Nagpadala ang Office of Civil Defense (OCD) ng isang mobile water filtration truck sa Oriental Mindoro nitong Sabado, Abril 22, upang matiyak umano na may maiinom na malinis na tubig ang mga residenteng apektado ng oil spill doon.

Ayon sa OCD regional office ng Mimaropa, ipinadala rin sa lalawigan ang trained personnel at operators upang tingnan ang Incident Command Post (ICP) ng OCD sa Calapan City para sa koordinasyon.

“[The] deployment of OCD-NDRRMC [National Disaster Risk Reduction and Management Council] mobile water filtration truck intends to assist in providing safe and clean drinking water for the communities affected by the oil spill,” anang OCD Mimaropa.

Noong Abril 20, sinabi ng OCD na binabantayan ng Department of Health (DOH) ang kalidad ng inuming tubig sa Oriental Mindoro dahil maaaring naapektuhan ito ng oil spill.

National

Nancy Binay, nilinaw na 'di kaaway ang kapatid na si Abby: 'Pamilya pa rin kami!'

Mahigit 200 indibidwal ang dumanas ng iba't ibang sakit sa bayan ng Pola mula nang makita ang oil spill sa Oriental Mindoro kasunod ng paglubog ng motor tanker (MT) Princess Empress, na may kargang 800,000 litro ng industrial fuel oil, sa bayan ng Naujan noong Pebrero 28

Gumaling naman na umano ang mga nasabing pasyente na nagtamo ng mga sintomas tulad ng pananakit ng tiyan, pananakit ng dibdib, lower bowel movement (LBM), at pagsusuka.

Gayunpaman, hindi pa kumpirmado kung ang mga sintomas na ito ay konektado sa kalidad ng inuming tubig sa lugar.

Sinabi naman ni Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV, OCD deputy administrator for operations, na ipagpapatuloy ng DOH ang pagbabantay sa mga pinagmumulan ng inuming tubig sa Oriental Mindoro. Magsasagawa rin umano sila ng health impact assessment kasama at pagbibigay ng regular health advisories.

Martin Sadongdong