Trending ngayon sa social media ang guro at hina-handle na klase sa Senior High School ni Teacher Joel Casungcad, Senior High School Teacher II ng Accountancy, Business and Management (ABM) strand sa Lutucan Integrated National High School sa Sariaya, Quezon matapos niyang palabasin sa open field ang kaniyang klase upang doon isagawa ang pagsusulit.
"While di pa mainit ay sa field muna, and also for my student to have FRESH AIR and BIGGER SPACE while they are taking their examination.
Para maiba naman at for sure walang makakapag-KOPYAHAN dine 😛," mababasa sa caption ng Facebook post ng guro.
Ayon sa panayam ng Balita kay Sir Jong, naisipan niyang isagawa ang pagsusulit sa malilim na bahagi ng school ground dahil mas mahangin sa labas at napakainit sa loob ng silid-aralan.
Naging daan na rin ito upang maiwasan ang anumang anyo ng cheating o pangongopya ng sagot sa katabi, dahil malawak ang field at layo-layo ang agwat ng kanilang mga upuan.
"Naisipan ko sa labas gawin ang pa-exam para maaliwalas ang lugar kung saan sila mag-exam, upang mas makapag-focus sila, pag sa loob ng room kahit maagap pa mainit na mas malamig sa labas," anang guro.
"Naturalistic approach din kasi maraming puno sa paligid ng field so fresh air. New experience para sa kanila na ganun set up ng exam."
"I know and I trust naman may students na di sila mangongopya sa classmates nila pero iba na rin pag medyo malayo sa isa't isa.
Sa totoo lang daw ay mas nag-enjoy ang mga mag-aaral sa gayong set-up dahil hindi na nila kinailangang magpaypay nang bonggang-bongga dahil mahangin na nga sa labas.
Matatandaang nananawagan ang karamihan sa mga guro, mag-aaral at maging mga magulang na sana ay ibalik na lamang sa dati ang school calendar, dahil tuwing Abril hanggang Mayo ay lubhang mainit na ang panahon dahil sa summer.
Nahihirapan anila ang mga guro at mag-aaral na magkaroon ng conducive learning environment kung mainit ang panahon.
---
Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!