Matapos mahinto ng apat na taon dahil sa pandemya, dose-dosenang humahagulgol na mga paslit sa Japan ang muli umanong humarap nitong Sabado, Abril 22, sa isang tradisyunal na "crying sumo" na pinaniniwalaang nagdudulot ng mabuting kalusugan sa mga bata.

Sa ulat ng Agence France Presse, inaalalayan ng kani-kanilang mga magulang ang mga kalahok na batang nakasuot na ng ceremonial sumo apron at nakaharap sa kanilang katunggali sa sumo ring sa Sensoji Temple sa Tokyo.

Susubukan naman ng staff na nakasuot ng “oni” demon masks ang mga bata na paiyakin.

Kung sino ang unang humagulgol, iyon ang idedeklarang panalo ng sumo referee na nakasuot naman ng detalyadong tradisyunal na uniporme at may hawak na wooden fan na ginagamit bilang hudyat ng tagumpay.

Internasyonal

Mahigit 40 unggoy, nakatakas sa isang research compound sa South Carolina

Samantala, sa iba umanong lugar sa Japan na nagsasagawa rin nito, baliktad ang patakaran. Kung sino ang unang umiyak, iyon ang talunan.

Ayon kay Shigemi Fuji, tagapangulo ng Asakusa Tourism Federation na nag-organisa ng naturang event, maaaring isipin ng iba na hindi magandang paiyakin ang mga bata, ngunit sa kanila umanong bansa, naniniwala silang lumalaki nang malusog ang mga batang umiiyak nang malakas.

Nasa 64 mga bata umano ang lumahok sa "crying sumo" na ginanap sa mga dambana at templo sa buong Japan para sa kasiyahan ng mga magulang at mga manonood.