Matapos ang insidente ng pagiging "unresponsive" at pag-hang habang nakasalang sa live interview ng "Fast Talk with Boy Abunda" noong Miyerkules, Abril 20, muling nagbigay ng update si King of Talk Boy Abunda hinggil sa kalagayan ngayon ni Norman Balbuena a.k.a. "Boobay."
Wala na raw dapat ipag-alala ang mga tao sa komedyante dahil maayos naman daw ang lagay nito nang muli niyang kumustahin.
Sa Thursday episode ng kaniyang 20-minute show ay isinalaysay ni Boy ang mga pangyayari sa kasagsagan ng Fast Talk niya kay Boobay, habang kausap niya si Kapuso Primetime King Dingdong Dantes.
"He started to be quiet. Akala ko, iiyak. Akala ko he was getting emotional because he was remembering how he started," ani Boy.
"So pinapanood ko lang siya. After a few seconds, instinct eh. Something is wrong. Kaya sabi ko are you okay? Siguro mga dalawa o tatlong beses? I said, 'are you okay?' Nilapitan ko na kasi I instinctively felt that something was wrong. Niyakap ko. So we took a break. Less than 6 minutes."
"Tumawag na kami ng doctor, nurse. After 2-3 minutes, he was back. He was okay. At doon nalaman ko yung kwento na nangyari na pala ito."
Ibinunyag ni Boy na nakaranas pala ng "silent seizure" si Boobay. Sa ganitong senaryo, biglang nagha-hang ang isang tao sa loob ng 10 hanggang 30 segundo, at pagkatapos ng episode ay tila walang nangyari. Epekto pala ito ng pagkakaroon niya ng mild stroke noong 2016.
"Ang tawag daw ng nangyari sa kaniya ay silent seizure. He is used to this. Ang sabi raw ng kanyang doctor, after he had a stroke in 2016, na magkakaroon ka ng silent or mild seizures. Pero ang gagawin mo lang ay kumalma ka and then be still. After a while, babalik ka rin."
Kakaibang karanasan ito kay Boy dahil sa tagal daw niya sa industriya, ngayon lamang daw siya nakaranas nang ganito.
"In all the years that I had been on television, that was the first time na may nangyaring ganun."
"So Boobay if you're watching, please take care of your health."
Marami naman ang pumuri at nagpasalamat kay Boy dahil naging maagap ito nang mapansing may kakaibang ganap kay Boobay.
Sa panayam kay Boobay, talagang workaholic siya dahil ang pagtatrabaho raw ang kaniyang "pahinga." Bagama't nakapagpundar na siya para sa sarili at pamilya, iniisip pa rin niya ang future niya at ayaw niyang lumagpas ang mga oportunidad kaya go lang siya nang go at tanggap pa rin nang tanggap ng trabaho.
Inamin pa ng komedyante-TV host na mukhang nakapagpa-trigger sa kaniya ang kaba, ang mga ilaw sa set, at kakulangan sa tulog.