Isiniwalat ng isang opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Huwebes, Abril 20, na nakatatanggap sila ng mga tawag mula sa mga Pilipino sa Sudan na humihiling na ilikas sila sa gitna ng patuloy na sagupaan sa pagitan ng dalawang pwersa sa naturang bansa.

Ayon kay DFA Undersecretary for Migrant Affairs Eduardo Jose de Vega, naghahanap na ngayon ng paraan ang Embahada ng Pilipinas sa Egypt, na may hurisdiksyon sa Sudan, at Philippine Honorary Consul sa Khartoum upang mailigtas ang mga gustong lumikas.

Binanggit din ni de Vera na nananatiling sarado ang mga paliparan matapos sumiklab ang karahasan. Kailangan din umanong bumiyahe ng siyam na oras ang mga Pilipino sa Sudan patungo sa Egypt sakaling maiuwi sila.

Sa kasalukuyan, sinusubukan umano ng dalawang ahensya na maghatid ng mga probisyon sa mga Pilipino doon na pinapayuhang manatili sa loob ng bahay.

Internasyonal

Mahigit 40 unggoy, nakatakas sa isang research compound sa South Carolina

Sinabi ni De Vega na nakatanggap na si Philippine Ambassador to Egypt Ezzedin Tago ng hindi bababa sa 87 kahilingan para sa paglikas at pagpapauwi. Mayroong humigit-kumulang 400 Pilipino sa Sudan, aniya.

"Naka-receive na siya [Tago] ng at least 87 requests na tulungan silang makaalis. Yung iba gusto narin umuwi," saad ni De Vega sa panayam ng GMA Integrated News.

Hindi umano bababa sa 270 katao ang nasawi at 2,600 ang nasugatan kasunod ng mga sagupaan na sumiklab mula sa labanan sa kapangyarihan sa pagitan ng pinunong militar ng Sudan, Heneral Abdel Fattah al-Burhan, at pinuno ng paramilitar, Heneral Mohamed Hamdan Dagalo.

Maaaring makipag-ugnayan ang mga Pilipino sa embahada upang humingi ng tulong sa pamamagitan ng Facebook sa https://www.facebook.com/PHinEgypt/ o WhatsApp sa (+20) 122 7436 472.

Joseph Pedrajas