Naglabas na si Manila Mayor Honey Lacuna ng mga pamamaraan upang mabigyan ng proteksyunan ang mga Manilenyo, partikular na ang mga mag-aaral, laban sa masamang epekto ng matinding init ng panahon at pagkabilad sa araw.

Ito'y kasunod na rin ng anunsyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) na mataas na temperatura ang aasahan ng publiko sa lalo pang papalapit na peak season ng summer sa susunod na buwan.

Kasabay nito, tiniyak ni Lacuna na ang anim na public hospitals na pinatatakbo ng pamahalaang  lungsod ay handa na para sa mga  heat-related incidents.

Ayon sa alkalde, ang mga school authorities, partikular na ang mga principals sa mga public elementary,  high school at universities, ay pinaalalahanan na tiyakin na ang mga pagkain na tinitinda sa mga school canteens ay hindi agad masisira o mapapanis sa sobrang init ng temperatura at iwasan ang pagtitinda ng mga pagkaing madaling mapanis.

Metro

Marikina LGU: Ulat na dinukot ang 4 na menor de edad sa lungsod, fake news!

Sinabi ni Lacuna na hangga't maaari ay isilbi agad ang pagkain dalawang oras, pagkatapos itong lutuin, base sa payo ng mga health authorities.

Hinikayat din ng lady mayor ang mga school authorities na tiyakin na may tamang bentilasyon ang kanilang mga silid aralan, at himukin ang mga estudyante na palagian na uminom ng tubig upang manatiling hydrated  at iwasan ang heat stress.

Payo pa ng alkalde,  gawing limitado ang mga outdoor activities, exercises o drills.

Kung hindi naman aniya ito maiiwasan ay ipinapayo na gawin ito sa oras na hindi kritikal o kung hindi na matindi ang sikat ng araw na may masamang epekto sa kalusugan.

Matatandaan na nagbabala ang mga health authorities kontra sa direktang pagkabilad sa araw na mula alas-12:00 ng tanghali hanggang alas-3:00 ng hapon. 

Kamakailan lang ay mahigit 100 estudyante ang naisugod sa ospital matapos na ang isang paaralan sa isang lalawigan ay magsagawa ng  fire drill. Ang mga naapektuhang mag-aaral ay direktang nabilad sa araw at isa-isang nahilo at nawalan ng malay.

Inanunsyo ng PAGASA na ang dry season na magtatagal hanggang Mayo ay makakaasa ng mas mainit na temperatura sa mga susunod pang nga araw.

Ang heat index  ang siyang nagbibigay babala sa publiko sa papataas na  temperatura at ito ay inilalabas araw-araw.   

Ito ang init na nararamdaman ng tao base sa air temperature at kaugnay na humidity sa lugar.