Binigyang-diin ni Senador Risa Hontiveros nitong Biyernes, Abril 21, na sa halip na ibenta ang mga nasamsam na asukal sa Kadiwa stores, mas makabubuti umanong ibigay ito sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa kapakanan ng mga kapos-palad at biktima ng mga kalamidad.

“Kaysa mabulok o ibenta para pagkakitaan pa, bakit hindi na lang ibigay ng libre sa mga kababayan nating nangangailangan at biktima ng kalamidad? Maraming nagugutom ngayon at kinakapos dahil sa mataas na presyo ng bilihin,” saad ni Hontiveros.

Isiniwalat kamakailan ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na binago nito ang mga kasalukuyang regulasyon upang pahintulutan ang pagbebenta ng hindi bababa sa 4,000 metric tons (MT) ng smuggled refined sugar sa Kadiwa stores sa buong bansa.

Ang nasabing sugar stocks, na nauna nang nakumpiska sa joint operation ng Bureau of Customs (BBC) at Department of Agriculture (DA), ay ibebenta sa mga konsyumer sa halagang P70 kada kilo.

Ngunit ayon kay Hontiveros, hindi dapat kumita ang gobyerno mula sa mga ilegal na kalakal.

Nakalkula umano ng kaniyang tanggapan na tama ang presyo na P65 kada kilo ng asukal mula sa Thailand.

‘’Pero bakit mataas pa rin ang presyo kung ibebenta?” ani Hontiveros.

Saad ng senador, sa halip na umasa sa smuggled na asukal para mag-supply sa Kadiwa stores, kailangan lamang ng SRA na palawakin ang listahan ng mga mangangalakal at industriyang awtorisadong bumili ng sarili nilang supply ng asukal.

Binigyang-diin niya na ang karapatang mag-import ng asukal ay hindi dapat limitado sa tatlo lamang na supplier: All Asian Countertrade Inc, Edison Lee Marketing Corporation, at Sucden Philippines.

Dapat umanong mayroon ding pinalawak na listahan ng mga mangangalakal at industriya na papayagang mag-angkat ng 450,000 metric tons na gustong ipasok ng SRA sa bansa.

Katulad ng nangyari sa mga nakaraang taon, makikipagkumpitensya umano ang mga ito upang mag-alok ng pinakamababang presyo sa merkado, taliwas sa inaasahang mataas na presyo na idinidikta ng kartel.

Sinabi rin niya na maaari ring palawakin ng DA at SRA ang kanilang pakikipagtulungan sa mga stakeholder ng lokal na industriya ng asukal, upang mapataas ang mga ani ng produksyon sa kabila ng kasalukuyang panahon ng paggiling ng asukal. Ito ay umano alinsunod sa mga panukala ng mga grupo tulad ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG).

Mario Casayuran