Kinastigo ni Senador Win Gatchalian ang polisiya ng pamahalaan hinggil sa pag-hire ng K to 12 senior high school graduates. 

Sinabi ng senador nitong Huwebes, isang malaking pagkukulang umano ng gobyerno ito sa mga mag-aaral at kanilang pamilya na napilitang tustusan ang dagdag na dalawang taon sa high school.

Sa nakaraang pagdinig ng senado hinggil sa Batang Magaling Act (Senate Bill No. 2022), pinuna ni Gatchalian ang Memorandum Circular (MC) No. 12 s. 2019.

Para kay Gatchalian, ipinapakita ng polisiyang ito na para sa mga senior high school graduate na nais pumasok sa gobyerno, walang dagdag na benepisyo ang dagdag na dalawang taon sa high school.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

"Hindi makatarungan ang ginagawang ito ng pamahalaan. Ipinangako natin noon na ang K to 12 ay magbibigay ng trabaho sa ating senior high school graduates pero gobyerno mismo ang hindi nagbibigay sa kanila ng oportunidad. Ipinapantay natin sila sa mga nagtapos ng sampung taon ng basic education. Nakakalungkot na sa mata ng ating pamahalaan, walang dagdag na benepisyo para sa ating senior high school students," ani Gatchalian.

"Halimbawa, isa akong mag-aaral sa senior high school pero 'pag pumasok ako sa gobyerno, kapantay ko lang ang nagtapos sa 10 taon ng basic education. Walang dagdag na benepisyo para sa akin, kaya bakit pa ako mag-aaral ng dalawa pang taon kung wala naman akong pinagkaiba sa nagtapos sa ilalim ng dating sistema," dagdag na pahayag ni Gatchalian.

Hinimok ng senador na magsumite ng tiyak na timetable upang matugunan ang mga isyung kinakaharap ng pamahalaan pagdating sa pagha-hire ng senior high school graduates. Tiniyak naman ng CSC na inaamyendahan na nito ang Omnibus Rules on Appointments and Other HR Actions upang mabigyan ng pagkakataon ang mga senior high school graduates.

Ayon umano sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) noong 2018, hindi kinokonsidera ang senior high school graduates sa education requirements ng first level positions sa civil service.