Nakikiisa ang pamahalaang lungsod ng Maynila sa mga kapatid na Muslim sa kanilang paggunita ng Eid’l Fitr o  Feast of Ramadan, na isa sa dalawang opisyal na Islamic holidays na ipinagdiriwang ng mga Muslim sa buong mundo.

Ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna, ang Maynila ang may pinakamalaking konsentrasyon ng pamayanang Muslim na nagkalat sa buong lungsod at naging mahalagang bahagi ng mayamang kasaysayan at pag-unlad ng Maynila sa napakaraming taon.

Sinabi ni Lacuna nitong Huwebes na ipinagmamalaki rin ng Maynila, na sa lungsod matatagpuan ang kilalang-kilalang Manila Golden Mosque sa Quiapo, na kayang tumanggap ng 22,000 mananampalataya.

Anang alkalde, ang Office of Muslim Affairs sa Maynila na pinamumunuan ni Shey Sakaluran Mohammad, ay naatasang magbigay ng lahat ng posibleng tulong kaugnay ng mga nakalinyang gawain para sa nasabing okasyon. 

Metro

QC gov’t, sinuspinde F2F classes hanggang SHS, gov’t work sa Jan. 13 dahil sa rally ng INC

Ang pagpapahalaga ng lokal na pamahalaang sa mga miyembro ng Muslim community ay higit pang pinalalim dahil sa ang Maynila lamang sa lahat ng lungsod sa Pilipinas ang mayroong sementeryo para sa mga Muslim, ito ay dahil na rin sa mga kaugalian at tradisyong  Muslim sa paglilibing ng kanilang mga patay. 

Malaki ang ginampanang papel ni Lacuna bilang Vice Mayor at Presiding Officer ng  Manila City Council noon, sa pagbigay daan upang maitayo ang nasabing sementeryo. 

Matatandaang idineklara ng Malacañang, sa pamamagitan ng Presidential Proclamation No. 201, ang April 21, 2023 (Biyernes) bilang regular holiday dahil sa paggunita ng Eid’l Fitr.

Pinuri ng akalde ang desisyon, at sinabing mabibigyan ng panahon ang mga Muslim communities na magunita at ipagdiwang ang Eid’l Fitr kasama ang kanilang pamilya.

Sinabi ni Mohammad: 'Sa lahat po ng 27 mosques natin sa Maynila may congregational prayer early morning of Friday or Saturday, depending on the moon sighting."

"It will be the first Eidl Fitr with no restrictions and mag resume na to a 100% capacity ang mosques natin in the entire city," dagdag pa nito.

Nabatid na ang deklarasyon ng pista opisyal ay kaugnay ng rekomendasyon ng National Commission on Muslim Filipinos na gunitain ang Abril 21, 2023, bilang national holiday sa buong bansa sa pagdiriwang Eid’l Fitr.