Marami ang naantig sa post ni Jayson Matias, 35, mula sa Saudi Arabia, tampok ang pag-ampon niya ng isang stray dog na ramdam niyang parang nagpapa-rescue na raw talaga sa kaniya.
Sa panayam ng Balita, ibinahagi ni Jayson na tatlong taon na siyang nasa Saudi para magtrabaho bilang receptionist sa isang gym.
Kuwento niya, nang araw daw na iyon ay isa lamang pangkaraniwang araw kung saan kasama niya ang kaniyang katrabaho para kumain. Hanggang sa sinalubong sila ng isang asong kumakaway ang buntot.
Marami na umano siyang asong nakitang pagala-gala doon, ngunit iba raw ang asong si ‘Perlie’.
“‘Yung bungad nya samin from a far, grabe parang nagpapa-rescue na po sya samin,” aniya.
Perlie raw ang pinangalan niya rito dahil sa pilay ito at may sugat pa sa leeg nang makadaupang-palad nila.
“I say to my co-worker if nandyan pa sya after naming kumain aadopt ko sya. And luckily she still in the same place kung saan namin sya iniwan at she ran, coming to us while wagging her tail,” ani Jayson sa nag-viral niyang post sa Facebook group na ‘Aspin Lovers Philippines’.
Nang maglalakad na sila pauwi, nag-alangan naman daw siyang buhatin ang aso dahil sa baka mangagat ito. Kaya’t humingi raw siya ng sign na kapag sumunod ang aso sa kaniya, kukunin na talaga niya ito. At ganoon nga ang nangyari.
Pinagpaalam daw niya agad sa kaniyang muslim na katrabaho kung pwedeng kupkupin si Perlie sa kanilang bahay. Mayroon umano kasing paniniwala ang mga muslim na ‘haram’ o pinagbabawal ang aso dahil sa madumi raw ang mga ito.
“Kinausap ko yung kawork ko na Egyptian if pwede dito sa bahay yung aso kasi kawawa at mabait naman sya sabi ko. at ngayon hayan na sya. Fully vaccinated na din sya at may passport na din sya,” aniya.
Ayon pa kay Jayson, mas sumaya ang buhay niya dahil kay Perlie. Sa katunayan, plano rin daw niyang umuwi ng Pilipinas ngayong taon kasama ito.
Sa ngayon ay umabot na sa mahigit 7,400 reactions, 498 comments, at 255 shares ang naturang post.
–
Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa amingFacebookatTwitter!