Binasag ng direktor na si Darryl Yap ang ilang mga netizen na nagsasabing "OA" o eksaherado ang tema at disenyo ng ipinatatayong dream house na tinawag niyang "brutalist house."
Ayon sa paliwanag ni Yap, ang tema ng kaniyang bahay ay "brutalism" o puro bakal at buhos ang ginamit, walang hollow blocks, na karaniwan sa mga ipinatatayong bahay.
Nagkomento nang ganito ang ilang netizen dahil sa posts ni Yap na inirereklamo ang kaniyang dating arkitekto-contractor na puro palpak daw ang ginawa sa kaniyang bahay, at hindi raw nasunod ang mga napag-usapan nila sa kontrata, kahit fully paid naman siya at minsa'y naglalabas pa ng dagdag.
Aniya, "Bakit daw kasi ang OA pa ng pinagawang bahay? Huh? Diyos ko naman, Ano’ng mentality 'yan? Hindi n'yo maiintindihan kasi di naman kayo mapanglait! Alam n'yo, kung laitera ka—takot ka malait kaya kinakarir mo ang sarili mo."
"Kung simpleng bahay lang gusto mo, walang pumipigil sayo…iyo 'yan. At kahit sino pang magpagawa ng bahay, kung gusto nyang lagyan ng chimney, fireplace o pugon kahit pa nasa Tuguegarao siya, WALA TAYONG MAGAGAWA."
Batay naman sa banta ng naturang arkitekto na kakasuhan siya ng libel, hindi rin nagpatinag ang direktor.