Usap-usapan ngayon sa social media ang pagrereklamo ni "Martyr or Murderer" director Darryl Yap sa arkitekto ng kaniyang ipinapatayong bahay, dahil sa ilang mga "kapalpakan" sa detalye nito, at hanggang ngayon ay hindi pa raw matapos-tapos.
Nagsimula ang kaniyang post noon pang Biyernes, Abril 14 na tinawag niyang "MY BRUTALIST HOUSE UPDATE."
"Pagkatapos saluhin ng dalawang construction firm ang pagbuo ng aking dream house, ngayong halos tapos na ito, ngayon ko pa lang natatanggap ang katotohanang kahit gaano ka kasmarte, kahit talagang mabusisi ka at makwenta— hindi ka makakaligtas sa mga mayabang, walanghiya at mapagsamantalang arkitekto, kahit pa miyembro ng MASON 'yan," ani Yap.
"Magkukwento rin ako, hindi na para sa akin, kundi sa mga kababayang maaaring makaiwas sa mga hindi dapat pagkatiwalaan at bigyan ng pagkakataon."
Batay sa naging expose ni Yap, tinawagan daw ng arkitekto ang kaniyang ina at nakiusap na i-take down ang kaniyang post.
"Ngayong nagkaroon ako ng oras at naisa-isa ko lahat ng pagmamagaling, panlalamang at panloloko mo sa akin; hindi ko pwedeng palagpasin itong kawalan mo ng malasakit sa kliyente mo."
"Kapwa Ilokano pa naman kita. Bayad ko nang buo ang kontrata, puro ka pakiusap at drama. Ginawan mo ko ng bahay na kahit ang tanga ay magseselan tumira."
"Ilang beses kitang binigyan ng karagdagang palugit, pagkakataon at pang-unawa pero ang ending natin, meron ka pa ring gustong singilin. Hindi ko na kailangang sabihing pinaghirapan ko ang bawat sentimo na hindi ko naman nasulit sa ginawa mo.
Nakakalungkot na ang mga diskarte mo, ay pwede kong ikapahamak at ng mga mahal ko sa buhay na maninirahan kung sakali."
Napag-alaman ni Yap na sub-standard daw ang ilang mga materyales na ginamit sa kaniyang di-matapos-tapos na dream house.
Sa sumunod na mga posts ay patuloy na nagbigay ng detalye ang direktor.
"Nagkaproblema kami ng Arkitek/Contractor ko sa mga wirings na hindi ko nakikita, sa mga pinto, sa sukat ng hagdan, sa hindi pantay na flooring, sa mga salamin, sa sanitary fixtures— sa madaling salita, nakompromiso ang kalidad dahil tinipid. Kulang ba ang budget? Sinasagot ko naman lahat ng additional—kahit pa nagkapirmahan na sa umpisa pa lang."
"Dalawang Olongapo based construction firms na ang humahawak ng bahay ko ngayon— Ok na ba? Syempre di ko alam hangga't di pa tapos, pero lumabas na lahat ng mga kaputang inahan mula sa una. hindi madaling palampasin, kasi mahalaga ang panahon at pera, napakahirap magpatawad kapag naiisip mong ok lang sa pinagkatiwalaan mo na baka ikapahamak mo sa hinaharap ang diskarte nya."
Dahil sa posts ni Yap ay nagbanta raw ang arkitektong tinukoy niya na kakasuhan siya ng libel.
Sa iba pang Facebook posts ay patuloy na nag-update ang direktor ng kasalukuyang sitwasyon ng kaniyang bahay, at kung ano pa ang mga balak niyang gawin dito.
Samantala, inalmahan din ni Yap ang mga nagkokomentong "OA" naman daw kasi ang konsepto ng kaniyang bahay na "brutalism." Ayon na rin sa paliwanag ng direktor, puro bakal at buhos lamang ang ginamit dito at walang hollow blocks.
"Bakit daw kasi ang OA pa ng pinagawang bahay? Huh? Diyos ko naman, Ano’ng mentality 'yan? Hindi n'yo maiintindihan kasi di naman kayo mapanglait! Alam n'yo, kung laitera ka—takot ka malait kaya kinakarir mo ang sarili mo."
"Kung simpleng bahay lang gusto mo, walang pumipigil sayo…iyo 'yan. At kahit sino pang magpagawa ng bahay, kung gusto nyang lagyan ng chimney, fireplace o pugon kahit pa nasa Tuguegarao siya, WALA TAYONG MAGAGAWA."