Matapos ang nangyaring "pang-iisnab" umano kay Kapuso star Bea Alonzo sa pag-uulat ng "TV Patrol" sa nalalapit na "Ang Larawan" concert noong Miyerkules, Abril 18, tila bumawi naman ang ABS-CBN News sa dating Kapamilya A-lister nitong Miyerkules, Abril 19.
May headline itong "Paulo Avelino at Bea Alonzo Tampok sa 'Contra Mundum,' Ang All-Star Concert ng 'Ang Larawan.'"
Sa ulat ni MJ Felipe, dito ay solo na ang naging panayam kay Bea, na aminadong intimidated sa cast dahil ang huhusay na ngang umarte, mahuhusay pang kumanta.
Subalit hindi naman nagpaiwan si Bea dahil may magandang timbre din naman ang boses nito, sa katunayan ay nagkaroon pa nga ito ng solo album na "The Real Me" noong 2008 produced by Star Records (Star Music na ngayon).
Bukod kay Bea, inisa-isa rin ang iba pang mga artistang kabilang sa produksyon, na hindi nabanggit sa unang report tungkol dito.
Ayon naman kay Cristy Fermin, hindi raw alam ng top management ng ABS-CBN ang nangyari noong Abril 18. Imposible nga naman daw kasi na hindi mabanggit si Bea gayong isa itong big star. Kaya naman, pakiramdam ng manager ni Bea na si Shirley Kuan ay hindi raw katanggap-tanggap ito.
Ang solusyon din umano ay bigyan ng special follow-up report ang ulat na ito na magtatampok lamang kay Bea.
So baka ito na nga iyon?
Anyway, wala namang inilabas na pahayag ang ABS-CBN news and current affairs department tungkol sa isyu matapos na mag-trending sa Twitter ang "ABS-CBN News" dahil dito.