Hindi pa rin itinitigilng Philippine Coast Guard (PCG) ang pagsasagawa ng cleanup operation sa naganap na oil spill sa Mindoro.
Sa social media post ng PCG, hindi hadlang ang pag-ulan sa isinasagawa nilang shoreline cleanup and assessment technique (SCAT), katulong ang International Tanker Owners Pollution Federation Limited, at iba pang ahensya sa karagatang sakop ng Calapan, Oriental Mindoro.
Sa pamamagitan ng SCAT, sinusuri ang mga baybaying apektado ng oil spill upang malaman ang mga dapat gawin tungo sa agarang paglilinis sa mga apektadong lugar.
Paliwanag ng PCG-Marine Environmental Protection Command (MEPCOM), pinangunahan nila ang operasyon kung saan nakitaan ng langis at iba pang oil-contaminated debris ang karagatang bahagi ng ng Isla ng Harka Piloto, Barangay Lazareto, Calapan City, nitong Abril 17.
Ininspeksyon din ng grupo ang mga nakalatag na indigenous protective booms sa dalampasigan ng Barangay Navotas, Calapan City.
Nagsagawa rin sila ng sediment sampling upang para masuri ang kasalukuyang kondisyon ng apektadong baybayin.
Matatandaang lumubog ang MT Princess Empress sa Naujan, Oriental Mindoro nitong Pebrero 28 habang naglalayag patungong Iloilo mula Bataan matapos hampasin ng malalaking alon.
Karga ng naturang oil tanker ang 800,000 litrong industrial fuel oil nang maganap ang insidente.