Dalawang mananaya ang pinalad na maghati at makapag-uwi sa tumataginting na ₱82.1 milyong jackpot prize ng Lotto 6/42 na binola ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Martes ng gabi.

Sa abiso ng PCSO, nabatid na matagumpay na nahulaan ng dalawang lucky winners ang six-digit winning combination na 42-21-01-36-23-37 ng Lotto 6/42.

Dahil dito, paghahatian nila ang katumbas nitong jackpot prize na ₱82,139,803.60.

Ayon kay PCSO Vice Chairperson at General Manager Melquiades 'Mel' Robles, nabili ng mga lucky winners ang kanilang winning tickets sa Cebu City, Cebu at sa Quezon City, Metro Manila.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Samantala, may 92 mananaya rin naman ang nanalo ng tig-₱24,000 ma second prize matapos na makahula ng tig-limang tamang numero.

Upang makubra ang kanilang premyo, pinayuhan rin ni Robles ang mga lucky winners na magtungo lamang sa punong tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong City at iprisinta ang kanilang lucky tickets at dalawang balidong IDs.

Paalala rin ni Robles, ang lahat ng lotto winnings na lampas sa ₱10,000 ay papatawan ng 20% tax alinsunod sa itinatakda ng TRAIN Law.

Muli ring hinikayat ni Robles ang publiko na patuloy na tangkilikin ang mga PCSO games upang magkaroon na ng tiyansang maging susunod na milyonaryo, ay makatulong pa sa kawanggawa.

Ang Regular Lotto 6/42 ng PCSO ay binobola tuwing Martes, Huwebes at Sabado.