Inanunsyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Martes, Abril 18, na mula 55%, tumaas na sa 80% ang probabilidad ng pagkakaroon ng El Niño sa pagitan ng Hunyo at Agosto.

Matatandaang noong nakaraang buwan nang unang maiulat ng PAGASA ang 55% probabilidad ng pagsisimula ng El Niño sa third quarter ng taon.

BASAHIN: El Niño, maaaring magsimula sa third quarter ng taon – PAGASA

Dahil sa nasabing pataas ng probabilidad ng pagsisimula ng El Niño, ibinahagi ni PAGASA Deputy Administrator Esperanza Cayanan sa isang televised briefing na inaaasahang itataas na rin nila ang advisory sa Mayo mula "El Niño Watch" patungong "El Niño Alert".

Ayon pa kay Cayanan, tumaas din sa 86% ang posibilidad na mangyari ang El Niño mula Nobyembre at Disyembre 2023 hanggang sa Enero 2024.

Bago naman umano maramdaman ng bansa ang epekto ng El Niño, magkakaroon pa rin ng tag-ulan na kaakibat ng panahon ng southwest monsoon or habagat.

“From previous experience po natin, puwede po tayong maka-experience ng extreme rainfall event kagaya po ng isang example noong Ondoy noong 2009 wherein nagkaroon po kasi tayo ng El Niño 2009, 2010. Pero bago natin naramdaman ang iyong kakulangan sa tubig, naka-experience. po tayo ng extreme [rainfall] events,” ani Cayanan.

Dahil sa El Niño, maaari umanong magkaroon ng tagtuyot o dry spell sa ilang lugar sa bansa, ngunit posible itong maramdaman sa huling quarter ng taon.