Nadiskaril ang isang tren ng Philippine National Railways (PNR) habang bumibiyahe sa bahagi ng Don Bosco, Makati City nitong Martes ng tanghali.

Ayon kay Jo Jeronimo, operations manager ng PNR, dakong alas- 11:20 ng tanghali nang maganap ang insidente malapit sa Don Bosco Crossing, sa pagitan ng Pasay Road at EDSA stations.

Nabatid na patungo sana ang tren, na tumatakbo sa bilis na 20 kph, sa Alabang, Muntinlupa City, galing ng Tutuban Station sa Maynila, nang madiskaril ito at lumihis sa riles ang unahang bahagi.

Sumadsad ang tren sa graba at lupa kaya’t napilitan itong tumigil.

Metro

Marikina LGU: Ulat na dinukot ang 4 na menor de edad sa lungsod, fake news!

Tiniyak naman ng pamunuan ng PNR na pawang nasa ligtas na kalagayan ang 400 pasaherong sakay nito, at walang isa man sa kanila ang nasugatan dahil sa pangyayari.

Gayunman, nagresulta ang pagkadiskaril ng tren sa pansamantalang suspensiyon ng southbound trips mula Pasay Road Station at pagsisikip ng daloy ng trapiko sa lugar.

Samantala, ang mga biyahe naman mula sa Gov. Pascual, Malabon at Tutuban hanggang Vito Cruz Station sa Maynila, ay nananatiling operational.

Mabilis din namang rumesponde ang mga tauhan ng PNR at mga train marshals sa lugar at nagsagawa ng agarang aksiyon upang maibalik sa normal ang operasyon ng kanilang mga tren.

Paniniguro pa ng PNR, masusi na nilang iniimbestigahan ang sanhi ng insidente.