Para sa isang Canadian producer at content creator na ilan taon nang nakasubaybay sa ilang Pinay divas, tanging si “Asia’s Phoenix” Morissette Amon lang daw ang magmamana sa trono ni Songbird Regine Velasquez.
Sa pinakahuling YouTube reaction ni Ovela ng Music Game News o MGN, makikita ang Canadian producer na nag-react sa ilang Pinay divas na may hawak umano ng ilan sa pinakamahihirap na original Pinoy music (OPM) tracks, kung kakantahin ito nang live.
Sa video, ipinapaliwanag ang mga kwalipikasyon ng mga vocal techniques at requirement para makanta ang mga kanta nang may hustisya kabilang na ang pag-sustain sa mga high note, ang paggamit ng ibang register ng boses, patalagan ng paghinga, komplikadong runs, at ang halos imposibleng live whistle, bukod sa maraming iba pang aspeto.
Pasok sa listahan ang “Maghihintay Ako” ni Jona Viray, “Bukas Na Lang Kita Mamahalin” ni Lani Misalucha, “Forever’s Not Enough” ni Sarah Geronimo, “Lason Mong Halik” ni Katrina Velarde, “Ikaw Pa Rin” ni Aicelle Santos, “How Could You Leave” ni Songbird, “Hanggang Ngayon” ni R&B Queen Kyla, at “’Di Mapaliwanag” ni Morissette.
Bagaman bilib na bilib sa lahat ng Pinay divas sa naturang video, hindi mapigilang purihin lalo ni Ovela ang kakayahan ni Morissette na pumito nang live at ilang beses sa naturang video.
“See? She did it again exactly the same way. And we’re talking about whistling here. It’s crazy!” komento ng Canadian producer na makikita pang ilang beses na napanganga sa performance ni Morissette.
Dito na niya sunod na sinabi ang ilang saloobin ukol sa singer.
“Tell me something. Can Regine do that? Can Katrina do that? I think the only one that maybe can do that is Jona. Jona may be able to whistle like that and I’m not even one hundred percent sure,” anang producer.
“And I say that she’s the successor, the rightful successor to Regine, to the throne, that throne that we all know that Regine has, right?” pagpapatuloy ni Ovela.
“Because on top of whistling, she can do almost everything else with such precision and excellence,” pagtatapos niya.
Sa huli, sinabi naman ng Canadian content creator na tila halata raw na fan ni Morissette ang gumawa ng video bagaman na-enjoy niya ito. Suggestion naman ni Ovela na bigyang highlight din hindi lang ang Pinay divas kundi maging ang marami aniyang mahuhusay pang male vocalists ng bansa.
Mula 2016, si Ovela at ang kaniyang YouTube channel ay nagtatampok ng ilang Pinoy content kabilang ang mga nangungunang vocal talents sa bansa.
Mayroon na siyang nasa mahigit 1.1 million subscribers at 326,418,941 lifetime views sa naturang platform sa pag-uulat.