Kinumpirma ni Department of Health (DOH) Officer-In-Charge Maria Rosario Vergeire nitong Martes na may mataas na antas ng oil at grease contaminants ang 26 na lugar sa Puerto Galera, Oriental Mindoro.

Sa isang joint statement, sinabi ng DOH at ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na base sa resulta ng water quality testing na inilabas noong Abril 14, siyam lamang mula sa 35 sampling stations na kanilang sinuri sa Puerto Galera ang nakaabot sa criteria ng DENR para sa Water Quality Guidelines and General Effluent Standards of 2016.

Kabilang sa naturang siyam na lugar ang Small Lalaguna at Big Lalaguna Shoreline, Balete, Central Sabang Shoreline, Coco Beach, Batangas Channel, Paniquian, Balatero, at West San Isidro Bay.

Kaugnay nito, pinayuhan ng DOH ang publiko na maging maingat at itigil muna ang paggamit ng tubig mula sa mga apektadong lugar, gayundin ang pagsasagawa ng mga water-related occupational at recreational activities doon.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Iminungkahi rin ng departmento ang pag-iwas sa pagkain ng kontaminadong isda, shellfish, at iba pang seafood products mula sa mga apektadong lugar.

“Inaabisuhan po ng Department of Health, based on safety and health measures, to refrain from occupational and recreational activities dito po sa mga katubigan na nakitaan natin na bagsak doon sa mga test… This might cause harmful effects on your body,” ayon pa kay Vergeire, sa isang pulong balitaan.

“Hindi na tayo ma-gaantay pa ng patuloy pa na test. Nakakita na po tayo ng accurate results,” dagdag pa ng health official.

Nilinaw rin naman ng DOH na ang oil at grease contaminants na natukoy sa Puerto Galera ay hindi konklusibong may kinalaman sa oil spill mula sa lumubog na motor tanker sa Oriental Mindoro.

Wala rin aniya silang natatanggap na mga bagong ulat ng mga indibidwal na nagkakasakit dahil sa oil spill sa lalawigan.

“‘Yung mga number ng mga kaso ng pagkakasakit, ngayon ay zero. Wala na pong nagpapatingin. I think the preventive measures have worked for us. Nagkaron lang talaga noon ng dagsa dahil pauna tapos syempre hindi pa alam kung ano ang gagawin,” aniya pa.