Sa gitna ng tumataas na cross-strait tension, wala pang Pilipinong naiulat ang Department of Foreign Affairs (DFA) na humihingi ng tulong para sa repatriation sa Taiwan.
Sa "Laging Handa" briefing, tiniyak ni DFA Undersecretary for Migrant Workers Affairs Eduardo Jose de Vega sa mga mambabatas at publiko na matagal nang nakalagay ang mga contingency plan sa lahat ng lugar kung saan mayroong mataas na konsentrasyon ng mga manggagawang Pilipino, kabilang ang bansang Taiwan.
“As far as the Filipinos in Taiwan are concerned, wala pa kaming nababalitaan na gustong umuwi o nababahala. Sanay na sila dito,” ani de Vega.
Dagdag pa nito, nakipag-ugnayan na si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa iba't ibang tanggapan ng gobyerno upang matiyak ang seguridad ng mahigit 158,000 Pilipino.
Aniya, ipinag-utos ng pangulo na laging bantayan ang kaligtasan at kapakanan ng lahat ng Overseas Filipino Workers.
“He has given a general order to always watch out for the safety and welfare of all OFWs, including in Taiwan."