Pinayuhan ng Philippine Embassy sa Cairo ang mga Pilipino sa Sudan na mag-ingat at iwasang pumunta sa mga pampublikong lugar sa gitna umano ng nangyayaring sagupaan doon.
Nagkakaroon ngayon ng labanan sa Sudan matapos sumiklab ang paksyon sa pagitan ng mga hukbo na tapat kay Heneral Abdel Fattah al-Burhan at paramilitary ng Rapid Support Forces (RSF).
Si Burhan ang namumuno sa transitional governing Sovereign Council ng Sudan habang ang RSF ay pinamumunuan ni Heneral Mohamed Hamdan Dagalo na siyang deputy head ng council.
Nagresulta na umano ang mga sagupaan sa pagitan ng dalawang panig ng pagkasawi ng hindi bababa sa 59 sibilyan, kabilang na ang tatlong manggagawa ng United Nations (UN).
Dahil dito, pinalalahanan ng embahada ang mga Pilipino sa Sudan na hindi lumabas at manatili sa mga tahanan.
Sa tala ng Department of Foreign Affairs (DFA), mayroong 258 mga Pilipino na nananatili sa Sudan noong Marso ngayong taon.
Sinabi naman ng embahada na tutulungan nito ang mga overseas Filipinos sa Sudan na maaaring maapektuhan sa sitwasyon ngayon ng bansa.
"Makipag-ugnayan po sa Embassy o ang Consulado sa Khartoum ukol sa inyong kalagayan," anang embahada.
Ibinahagi rin nito ang mga impormasyon para makapag-ugnayan sa kanila:
WhatsApp/Mobile: (+20) 122 743 6472
Facebook/Messenger
PHinEgypt Email: [email protected]
Philippine Consulate in Khartoum Telephone
Number: (+249) 91 239 9448
Email: [email protected]."
Sinabi rin ng embahada na mangyaring magpadala rin ng malinaw na kopya ng passport at residence visa sa [email protected] and ibigay ang mga personal na impormasyon.
Raymund Antonio