Dahil sa pagtalima sa financial transparency at fiscal accountability, ang lokal na pamahalaan ng Marikina City ay ginawaran ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ng 2022 Good Financial Housekeeping (GFH) nitong Lunes.

Nabatid na pinagkalooban ng DILG-National Capital Region (NCR) ang Marikina City, sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Marcelino “Marcy” R. Teodoro, ng Mark of Recognition para sa pagpasa nito sa 2022 Good Financial Housekeeping (GFH) assessment.

Kasabay nito, binigyan rin ng DILG ang lungsod ng P100,000 tseke matapos na makamit ang ikatlong puwesto, mula sa 17 LGUs sa Metro Manila, dahil sa mahusay na implementasyon ng Manila Bay Clean-up, Rehabilitation and Preservation Program (MBCRPP).

Maari umanong gamitin ng lokal na pamahalaan ang naturang halaga para sa pagpapanatili ng kaayusan at kalinisan sa lungsod.

Metro

Akbayan, hinimok ang DOTr na pahabain operating hours ng LRT, MRT

“Batay sa project proposal na isinubmit po sa amin, ito ay gagamitin sa programang Tagalinis On Wheels at Munting Basura Ibulsa Muna,” ani DILG-Marikina Director Mary Jane Nacario.

Sinabi rin ni Nacario na nakatanggap rin ang lungsod ng pagkilala bilang “Most Improved LGU” para sa taong 2022.

Mismong sina Mayor Marcy at ang kanyang maybahay na si Marikina First District Representative Marjorie Ann “Maan” Teodoro ang tumanggap ng naturang parangal, na iginawad sa mismong selebrasyon ng ika-393rd Foundation Anniversary ng lungsod nitong Lunes.

Pinangunahan rin ng alkalde ang simpleng selebrasyon ng founding anniversary ng lungsod, kasama si Vice Mayor Marion Andres, at mga miyembro ng City Council, mga opisyal ng iba’t ibang law enforcement agencies, at mga local government personnel.

“Sa ngayon ay ipinagdiriwang natin ang ika-393 pagkakataon buhat nang natatag ang ating lungsod. Marami na tayong pinagdaanan, at kung ating makikita ang Marikina ay isa sa pinakamatandang lugar sa Pilipinas, halos kasing tanda ito ng Lungsod ng Maynila,” mensahe pa ng alkalde.

“Ang Marikina dati ay isang malaking hacienda, pinaka malaking hacienda sa buong Pilipinas na pag-aari ng isang pribado, kasunod na ‘yung mga hacienda ng religious orders na dati ay may pinakamalalaking taniman,” kwento niya. “Napakalaki at napakatagal na ng kasaysayan ng ating lungsod at marami na tayong ginampanan sa kasaysayan. At ngayon nga ay pinagdiriwang natin ito, ang pagkakatatag ng ating lungsod.”

Ang Marikina Memorial Day ay ipinagdiriwang tuwing Abril 16 bilang paggunita sa founding anniversary ng lungsod noong 1630, sab isa ng Proclamation No. 1417.

“Ang pakiusap ko sana sa lahat ay tumingin tayo sa paligid natin at ang kasaysayan ay makikita natin, at sa pagtingin na iyon ay maalala natin kung saan tayo nanggaling; at sa pag-alala na ‘yon ay mapahalagahan natin ang kasalukuyan, at mapangalagaan natin ‘yung ating patutunguhan,” aniya pa.