Isiniwalat ng abogado ng pamilya ng pinaslang na si Gov. Roel Degamo nitong Lunes, Abril 17, na may iba pang mga criminal complaint na ihahain laban kay Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo “Arnie" Teves Jr..

“I think in a few days from now we will be filing new murder cases involving previous killings also,” pahayag ni Atty. Levito Baligod sa mga mamamahayag sa Department of Justice (DOJ).

Inaayos na lamang daw ng abogado ang titirhan ng pamilya ng mga kanilang mga saksi.

“Nandiyan na ‘yung mga affidavit nung witnesses,” saad pa ni Baligod na umano'y itinuro ng mga testigo si Teves bilang umanong nag-utos ng pagpatay.

Isa si Teves sa mga tinitingnang mastermind sa pagpaslang kay Gov. Degamo.

BASAHIN: Teves, isa sa mga tinitingnang mastermind sa pagpaslang kay Degamo – Sec Remulla

Samantala, noong Marso 7, nagsampa si Baligod sa DOJ ng mga reklamong murder laban kay Teves para sa pagkamatay umano ng tatlong indibidwal sa Negros Oriental noong 2019.

Hindi pa naman daw sinisimulan ng DOJ ang preliminary investigation sa nasabing mga reklamo.

“I’m asking the Department of Justice to also give attention to these three previous killings because actually there are a lot more,” ani Baligod.

Itinanggi naman kamakailan ni Teves ang lahat ng mga paratang sa kaniya.