Nais ni Senator Robin Padilla na maibalik muli ang parusang kamatayan sa bansa.
Layunin aniya nito na hindi na maulit angpagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at walong iba pa kamakailan.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs kaugnay sa pagpaslang kay Degamo nitong Lunes, binanggit ni Padilla na mga dating sundalo ang ilang suspek sa pagpatay kay Degamo.
Giit ng senador, kailangan ng mas matinding parusa sa mga tumaksil sa kanilang panunumpang ipagtanggol ang taumbayan.
"Malinaw naman po na itong ating mga bayaning sundalo na naligaw ng landas, ito po ay mga nabigyan po ito ng tamang orientation, tamang ideology, tamang pag-iisip, na naligaw, hindi ba po dapat mas matindi ang parusa dito, Mahal na Tagapangulo, dahil ito nanumpa sa taumbayan na sila ang magiging tagapagligtas, tagapagtanggol, at ito ay nakagawa ng krimen," aniya.
Sumang-ayon naman si Committee chairman, Senator Ronald dela Rosa sa isinusulong ni Padilla.
Leonel Abasola