Nagsalita na ang motivational speaker, content creator, at negosyanteng si Rendon Labador hinggil sa pambabarda sa kaniya ng content creator-socialite na si Bryanboy kaugnay ng kaniyang motivational rice.
Para kay Bryanboy, hindi nakaka-motivate ang 100 pisong motivational rice ni Rendon; ibinida naman niya ang kaniyang Gucci rice na nagkakahalagang 20,000 euros per kilo.
Umani ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa netizen at naging hot topic sa BaliTaktakan segment. Batay sa mga reaksiyon at komento, mas gusto pa rin ng mga tao ang simpleng kaning mumurahin subalit nakabubusog naman.
Sa kaniyang video ay "isinaboy" ni Rendon pabalik ang Gucci rice kay Bryanboy at tinalakan ito.
"Gucci boy, bakit mo ikinukumpara yung motivational rice, naiintindihan mo ba 'to?" ani Rendon.
"Tagal-tagal ko nang ipinaliwanag 'yan, Tagalog pa. Hindi n'yo pa maintindihan? Isang sign po 'yan, na kahit may pera kayo, yung common sense hindi nabibili 'yan."
"Akala ko matalino ka? May pera ka, pero tanga ka. Una sa lahat, sino ka ba? Wala akong pakialam sa Gucci rice mo. Ang binabago ko rito yung mindset ng mga Pilipino. Ano yung sinasabi mo na problema ng mga mahihirap? Di ba dapat doon tayo magsimula? Tulungan yung mga mahihirap na masolusyunan ang mga problema nila."
"Wala naman akong pakialam sa presyo. Hindi naman presyo yung usapan dito eh. Ang usapan dito, dapat nating baguhin yung maling mindset ng mga Pilipino para maafford nila yung mga gusto nilang maafford sa buhay nila."
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o kontra pahayag si Bryanboy tungkol dito.