Nilapag muli ni Senador Christopher “Bong” Go nitong Sabado, Abril 15, ang kanyang apela sa Bureau of Immigration (BI) at iba pang kinauukulang ahensya na unahin ang kapakanan ng mga Pilipino, na kinabibilangan ng pangangalaga sa kanilang mga karapatan bilang mga pasahero.

Sa pagbanggit sa maraming insidente kung saan libu-libong migranteng manggagawa at turista ang naapektuhan, mariing iminungkahi ni Go na tulungan at gabayan ng gobyerno ng maayos ang mga manlalakbay at huwag dagdagan ang kanilang pasanin.

Batay sa mga ulat, mahigit 6,000 na pasahero ang na-offload sa ngayon, aniya.

''Pupunta po 'yan ng airport, kulang ang mga papeles at ang nakakalungkot dito, kung kulang turuan, i-guide, alalayan natin,” dagdag ni Go.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

‘’Nakapag-book na ito ng ticket, gumastos na po ito, pinagpawisan po ang perang ginastos nila para lang makabili ng ticket. Sa mga OFWs, may penalty na naman sila, umpisa na naman sa zero. Dapat po ang checklist kumpleto, i-guide natin sila nang mabuti. Kung kulang, turuan para maiwasan po itong pag-offload,” pagpupunto niya.

Higit pa rito, hiniling ni Go sa mga awtoridad na huwag samantalahin ang kanilang mga kapwa Pilipino, at gayundin ay idiniin na dapat nilang gampanan ang kanilang mga tungkulin na protektahan ang mga karapatan at interes ng mga pasahero at tiyakin ang kanilang kapakanan at kaligtasan sa kanilang mga biyahe.

Binanggit niya ang iskema ng ‘’laglag bala’’ na lumitaw noong nakaraang administrasyong Duterte.

‘’Huwag naman po itong mga panibagong naiulat na pangingikil,’’ habang idinagdag niya na makikiisa siya sa ilang imbestigasyon sa Senado ukol dito.

Kaya't muli siyang nanawagan ng suporta para sa kanyang inihain na Senate Bill (SB) No.1185, o ang iminungkahing "Bureau of Immigration Modernization Act", na naglalayong mapabuti ang sistema ng imigrasyon ng bansa.

Kung magiging batas, ang panukalang batas ay magbibigay din ng awtorisasyon sa BI Board of Commissioners na panatilihin at gamitin bawat taon ang 30 porsiyento ng mga koleksyon nito mula sa mga bayad sa imigrasyon, multa at mga parusa, at iba pang kita na maaaring kolektahin ng kawanihan upang ipatupad ang panukala at masuportahan ang mga pagsisikap nito sa modernisasyon.

Ang Immigration Trust Fund ay maaari ding maitatag na magmumula sa mga koleksyon.

Mario Casayuran