MALVAR, Batangas -- Patay ang isang 18-anyos na estudyante habang sugatan naman ang isang 19-anyos ring estudyante nang mabangga ng van ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa Barangay San Pioquinto nitong Biyernes ng gabi sa bayang ito.
Kinilala ang nasawi na si Nathan Aaron Valeros, 18, nakatira sa Ponte Verde Subd. Barangay Santiago, Sto. Tomas City, Batangas at ang sugatan naman ay si Dominique Pastor, 19, naninirahan sa Barangay San Pedro II, Malvar, Batangas.
Ang suspek naman ay kinilalang si Robert Capulong, 43, driver ng Toyota Hi-Ace commuter na kulay puti, at residente ng Barangay Antipolo del Sur Lipa City, Batangas.
Lumalabas sa imbestigasyon na si Capulong ay bumibiyahe patungong Barangay San Pedro I, habang ang mga biktimang lulan ng motorsiklong minamaneho ni Pastor at backride na si Valeros ay bumibiyahe sa kabilang linya patungong J.P. Laurel Highway dakong 9:20 ng gabi.
Pagdating sa lugar ng aksidente, nabangga ni Capulong ang motorsiklo ng mga biktima sa kaliwang bahagi nito na naging sanhi ng pagtilapon ng motor sa sapa kasama ang mga biktima.
Nagtamo ng mga sugat iba't ibang bahagi ng katawan ang mga biktima at dinala sa Daniel Mercado Medical Hospital sa Tanauan City, Batangas ng rumespong rescue team ng Barangay San Pioquinto ngunit kalaunan ay binawian ng buhay Valeros ng kaniyang attending physician na si Dr. Millennium Fabros bandang 10:35 ng gabi.
Naka-confine pa rin sa ngayon si Pastor sa nasabing ospital at ito'y nasa stable condition na.
Samantala, inaresto ang driver ng van at sasampahan ng reklamong reckless imprudence resulting in homicide, serious physical injury, at damage to property.