Kahit na negatibo at nakakuha ng rating na 1 ang bagong tayong sports bar/restaurant ng "motivational speaker" at social media personality na si Rendon Labador, hindi raw ito ang dahilan upang sumuko at nananatili siyang "motivated."
Isa kasi sa mga pinalagan ng netizens ay ang 100 pisong presyo ng kaniyang kanin, na hindi raw makatarungan dahil parang overpriced ito.
Depensa naman ni Labador, ito ay "motivational rice" at simbolo ng hindi pagsuko sa buhay.
Marami na ring content creators ang sumopla rito gaya ni Jack Logan, na nauna nang sumita sa kaniya sa kasagsagan ng isyu niya kay Coco Martin, kaugnay ng isyung nakakaistorbo umano sa Quiapo vendors ang taping ng kanilang action-drama series na "FPJ's Batang Quiapo."
Isa pa sa mga nakisawsaw na sa isyu ay ang socialite na si "Bryanboy" kung saan ipinamukha niya kay Rendon ang "Gucci rice" na ginagamit nila sa bahay, na nagkakahalagang 20k euros.
Anyway, sinabi ni Rendon na kahit sadsad sa ratings ang "Episode Bar" ay gagawin pa rin niya ang lahat upang magpatuloy.
"The Number 1 Sports Bar/ Restaurant in the Philippines got the lowest RATINGS!!! Wala bang feature ang Facebook na required ka munang pumunta o kumain bago ka makapag-rate?" aniya.
"Do you think that Episode Bar + Kitchen deserves a second chance? Motivated kami at hindi susuko! Ang kinabukasan ng bawat Pilipino ay nakasalalay sa #MotivationalRice ito ang ating 'National Rice,'" dagdag pa.
Sa latest Facebook post ni Rendon, nagpasalamat siya sa madlang netizen dahil pinag-uusapan sa social media ang kaniyang sports bar-resto.
Sey naman ng mga netizen, mukhang epektibo ang marketing strategy ng influencer.