Binisita ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) chairman Junie Cua ang isa sa mga Institutional Partnership Program (IPP) ng ahensiya, bilang bahagi ng pagsusumikap nito na maging pamilyar sa kanilang mga partner.
Nabatid na sa pamamagitan ng IPP, natutulungan at nasusuportahan ng PCSO ang iba't ibang welfare agencies at charitable medical facilities sa buong bansa.
Ang mga kuwalipikadong organisasyon ay pinagkakalooban ng P300,000 upang matulungan ang ito sa kanilang charity services para sa mahihirap at marginalized sectors sa mga lokal na komunidad.
"We see these visits as crucial in improving the PCSO's service. Magandang oportunidad din ito para makita natin kung para kanino ba ang mga pagsisikap natin (This is also a good opportunity to see for whom our efforts are)," ani Cua, sa isang kalatas nitong Huwebes, matapos niyang bisitahin ang Gentle Hands, Inc., isang welfare home para sa mga at-risk children sa Quezon City.
Ayon pa kay Cua, ang pagbisita ay alinsunod rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na humanap ng mga pamamaraan upang higit pang mapaghusay at mapaganda ang serbisyo ng ahensiya.
Ani Cua, ang Gentle Hands ay "truly deserving" para sa fund infusion, dahil na rin sa track record nito na pagtulong sa mga nasagip na kabataan.
Ang naturang organisasyon, na pinamumunuan ni Charity Graff, ay nagkakaloob ng tahanan, educational at medical assistance, spiritual nurturing, gayundin ng psychological at social care para sa mga nailigtas na kabataan hanggang sa maibalik sila sa kanilang sariling pamilya, maihanap ng foster care, o maiayos ang pag-aampon sa kanila.
"Nakita naman natin kung paano alagaan ng Gentle Hands ang mga ward nila. They are truly deserving of the additional funding from the agency, at umaasa kaming mas marami pa ang matutulungan nilang bata dahil dito," dagdag pa ni Cua.
Noong 2022, nakapagbigay ang PCSO ng tulong sa may 62 institusyon, na may kabuuang halaga na P28.3 milyon.