Umaasa si Senador Robinhood Padillana magiging matagumpay ang talakayan sa pagitan ng Pilipinas at Tsina hinggil sa eksplorasyon ng langis at gaas sa South China Sea na nakatakdang mangyari sa Mayo.

Nauna na ring binanggit ngDepartment of Foreign Affairs (DFA) na naghahanda na ang Pilipinas at Tsina para sa nasabing talakayan.

Ikinalulugod daw ni Padilla na matutuloy na ang oil and gas exploration talks sa pagitan ng dalawang bansa. Aniya, noong nakaraang taon ay naghain na raw siya ng isang resolusyon at pribilehiyong talumpati upang magkaroon na ng talakayan tungkol saoil and gas exploration sa South China Sea.

"Bagamat hindi agad naging positibo ang naunang tugon ng kagawaran nang inusisa natin ito sa isang pagdinig, itinuturing nating magandang hakbangin ang huling balitang ito mula sa DFA," saad ni Padilla.

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

"Sa kabilang dako, muli nating nakikita ang mga limitasyon sa pagkakaroon ng mabuting kasunduan dahil sa kasalukuyang probisyon ng ating Saligang Batas. Isa pang balakid ang kapasyahan ng ating Korte Suprema nitong Enero na labag sa ating Saligang Batas ang Joint Marine Seismic Undertaking ng mga kumpanya ng Pilipinas, Vietnam at Tsina," dagdag pa nito.

Binanggit din ng senador na ilang beses na naging balakid umano ang limitasyon ng Saligang Batas sa pagsulong ng pag-uusap tungkol sa oil and gas exploration.

"Ilang beses nang naging balakid ang limitasyon ng Saligang Batas sa pagsulong ng pag-uusap tungkol sa oil at gas exploration. Sa muling pagsulong ng usapan, nangangahulugan kaya ito na bukas ang ating DFA sa pag-amyenda sa ilang lumang probisyong pang-ekonomiya ng ating Saligang Batas, partikular sa Seksyon II, Artikulo XII na nagsasaad na: 'Dapat sumailalim sa ganap na kontrol at superbisyon ng Estado ang paggalugad, pagpapaunlad, at pagsasagamit ng mga likas na kayamanan'," paglalahad pa nito.

Matagal na rin daw nararamdaman ng mga Pilipino ang epekto ng matinding pangangailangan ng langis. Kaya naman sa pagkakataong ito, umaasa si Padilla na magiging matagumpay ang talakayan sa pagitan ng dalawang bansa upang wakasan na ang pagdurusa umano ng mga pangkaraniwang Pilipino.

"Matagal nang nararamdaman nating mga Pilipino ang epekto ng matinding pangangailangan sa langis: kawalan ng trabaho, kawalan ng sapat na kita para sa pamilya at pagtaas ng pamasahe at ng presyo ng bilihin at kuryente.

"Dahil dito, umaasa ako na magiging matagumpay ang darating na usapan, at magkaroon ng solusyon ang Pilipinas at Tsina para wakasan ang pagdurusa ng mga pangkaraniwang Pilipino."