Nananawagan ngayon sa mga awtoridad ang ina ng sanggol na idineklarang patay na raw nang isilang niya sa isang ospital sa Bulacan, subalit kalaunan ay navideohang humihinga at gumagalaw pa nang sila ay nasa bahay na matapos pauwiin.

Ayon sa Facebook post ni Jennifer Martinez, humihingi siya ng hustisya sa nangyari sa kaniyang bagong silang na sanggol. Salaysay niya, premature ang kaniyang panganganak at agad na isinugod sa isang ospital sa Sta. Maria, Bulacan.

Idineklarang patay ang kaniyang isinilang na sanggol at pinalagay na sa isang karton. Maya-maya raw, napansin daw ng kaniyang mister ang paghinga at paggalaw nito. Hindi raw naniwala ang mga taga-ospital at sinabihan daw silang baka guni-guni o namamalikmata lamang. Inirekomenda ng nurse na umuwi na sila at ipalibing na raw ang sanggol.

Nang iuwi nila muna sa kanilang bahay ang bangkay, doon na nila talagang nakitang humihinga at gumagalaw pa ang sanggol kaya agad nila itong vinideohan. Ibinalik nila ang sanggol sa ospital at ipinalagay sa incubator.

Subalit pinalipat umano sila ng doktor sa isang ospital sa Cabanatuan City, Nueva Ecija sa kakulangan ng malaking incubator na kailangan ng sanggol. Pagdating nila sa ospital ay nag-iba na ang kulay ng baby at pumanaw.

Inirereklamo ngayon ng mag-asawa ang ospital, na kung tama sana ang medical attention sa kanilang anak, hindi sana ito papanaw.

Depensa naman ng ospital, "extremely premature" ang sanggol nang isilang noong Abril 2 ng madaling-araw. Ayon din sa records ng medical staff maging ng OB-GYN na nagpa-anak sa misis, wala na raw tibok ng puso ang sanggol bago pa ito mailuwal ng ina.

Makalipas ang isang oras, hindi pa rin daw ito humihinga, walang paggalaw, walang tibok ng puso, at bluish na ang kulay ng sanggol.

Giit pa ng ospital, nang isugod naman sa kanila ang sanggol, ginawa raw nila ang lahat ng makakaya nila upang maasikaso ito kahit na kulang sila sa equipment dahil nga level I hospital lamang sila.

Samantala, wala pang update kung mananagot ba ang ospital sa mga nangyari.