Namamahagi ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng malinis at ligtas na inuming tubig sa mga lugar na naapektuhan ng oil spill sa Mindoro.
Sa social media post ng MMDA, malaking tulong sa mga residente ang mga solar-powered water purifier na dala ng kanilang mga tauhan na nagtungo sa naturang lalawigan.
Kayang maglabas ng 180 gallon ng tubig kada oras ang bawat unit ng water purifier ng ahensya.
Kabilang sa mga lugar na napagsilbihan ng MMDA team ang Barangay Calima, Brgy. Misong-Sitio Lambanog, Municipality of Naujan, Brgy. Bacawan, Brgy. Buhay Na Tubig, at Brgy. Tagumpay.
Matatandaang nagtungo sa lalawigan ang grupo nina Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin "Benhur" Abalos, Jr. at MMDA chairman Romando Artes upang matiyak na maserbisyuhan nang maayos ang mga residenteng naapektuhan ng oil spill.
Matatandaang lumubog ang MT Princess Empress sa Naujan, Oriental Mindoro habang naglalayag mula Bataan patungong Iloilo sakay ang mahigit sa 800,000 litrong industrial fuel oil.