Marami raw nagtatanong kay showbiz tsika authority Lolit Solis kung anong reaksiyon niya at nakalimutan siyang pasalamatan ni Gladys Reyes nang tanggapin nito ang parangal bilang "Best Actress in a Leading Role" sa nagdaang Gabi ng Parangal ng Summer Metro Manila Film Festival noong Martes, Abril 11 na ginanap naman sa New Frontier Theater sa Cubao, Quezon City.

Si Romnick Sarmenta naman ng "About Us But Not About Us" ang counterpart niya sa "Best Actor Category." Ang pelikulang ito ang tinanghal ding Best Picture. Si Gladys ay nanalo para sa pelikulang "Apag" ni Brillante Mendoza, pero kasama rin siya sa "Here Comes the Groom" na itinanghal namang 3rd Best Picture.

Ayon kay Lolit, wala naman siyang sama ng loob kay Gladys dahil ang importante sa kaniya, nanalo ang alaga. Natatawa umano ang talent manager sa mga taong ginagawang isyu ito.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

"Natatawa ako pag tinatanong bakit daw hindi ako nabanggit ni Gladys Reyes sa kaniyang speech sa Best Actress, Salve. Siyempre pag ganuon pagkakataon, taranta ka na at kung minsan meron mental block."

"Hindi issue iyon mga maliit na bagay gaya ng ganyan dahil ang importante nanalo si Gladys Reyes na matagal na niyang pangarap."

"Salamat sa Apag na bida si Coco Martin at produced ni Direk Brilliante dahil at last napansin ang acting ni Gladys Reyes. Salamat at nanalo siyang Best Actress dahil ito naman talaga ang dream ng bawat artista."

"Sana ito na ang start ng mas marami pang magandang project para kay Gladys Reyes. Congratulations, deserving awardee at Best Actress Gladys Reyes."

Samantala, bagama't nakasarado ang comment section ay makikitang pinusuan naman ni Gladys ang IG post ng kaniyang talent manager.

Masayang-masaya naman si Gladys at inialay ang kaniyang parangal sa mister na si Christopher Roxas, na napapayag at naunawaan daw ang sitwasyon kung bakit kinailangan niyang mamalagi ng ilang araw sa Pampanga para sa kanilang taping.