Muling inirekomenda ng Department of Transportation (DOTr) ang paglalagay ng train platform barriers sa mga istasyon ng tren.
Kasunod na rin ito nang pagtalon umano ng isang 73-taong gulang na lola sa riles ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) sa Quezon City nitong Miyerkules, na nagresulta sa pagkamatay nito at limitadong operasyon ng rail line.
Sa isang pulong balitaan nitong Huwebes, tiniyak ni Transportation Assistant Secretary Jorjette Aquino, na siya ring Officer-In-Charge (OIC) ng MRT-3, na magpapatupad sila ng mas mahigpit na seguridad sa mga train station upang maiwasan nang maulit ang naturang insidente.
Ayon kay Aquino, "kasama sa ating rekomendasyon ang install ng sinasabing platform screen doors or yung mga barriers na nakikita niyo rin sa ibang bansa."
"In fact, noong nakaraang administrasyon, nagkaroon ng proposal na ganito kaya lang, dahil sa kakulangan sa budget, hindi ito natuloy. Sa administrasyong ito, ating ibabalik ang pag-pursue sa ganitong rekomendasyon kung kakayanin ng budget," dagdag pa niya.
Sinabi pa ni Aquino na habang hindi pa ito naisasagawa ay titiyakin muna ng DOTr na istriktong ipinatutupad ng mga security personnel ang panuntunan na nagbabawal sa mga pasahero na tumawid sa yellow line ng platforms, habang hindi pa tuluyang humihinto ang tren sa istasyon.
Pinaalalahanan na rin aniya nila ang mga ito na imonitor ang mga pasaherong kakaiba ang ikinikilos.
Aniya, pinapatawan ng multa ang mga pasahero na gagawa ng hakbang upang maantala ang operasyon ng railway lines, ngunit depende ito sa sirkumstansiya.
Sa ngayon aniya ay nagsasagawa sila ng imbestigasyon sa insidenteng naganap nitong Miyerkules at naghihintay ng rekomendasyon ng kanilang safety and security team.
"Sa mga ibang mga klaseng insidente naman, kung ito ay nangangailangan at dapat ma-penalize, ating ini-implement," aniya pa.
Ang MRT-3 ay bumabagtas sa kahabaan ng EDSA, mula North Avenue, Quezon City hanggang Taft Avenue, Pasay City.