Kamakailan lamang ay naging viral ang video ng dalawang lalaking bumaba sa kanilang sasakyan habang naipit sa matinding daloy ng trapiko sa NLEX o North Luzon Expressway habang papauwi mula sa Holy Week vacation, sabay naglaro ng badminton.

Ang video ay inupload ng isang nagngangalang "Nays Martin Baoec" noong Abril 9, Easter Sunday.

Nakilala ang dalawang lalaki na sina Wilfred Zamora Jr. at Arjay Fusilero. Ayon sa panayam ng ABS-CBN News, nainip sila sa loob ng sasakyan kaya napagdesisyunan nilang maglaro ng badminton; tamang-tama dahil may dalawa naman silang raketa at shuttlecock.

Tumagal daw ng 20 minuto ang kanilang paglalaro.

National

Romina, patuloy na kumikilos patungong Southern Kalayaan Islands

Kuwento pa nila, hindi lamang sila ang natuwa sa ginawa nila kundi ang iba pang mga motoristang nakapanood sa kanila. Imbes daw kasi na mabanas dahil sa walang usad ang mga sasakyan, nabaling ang kanilang atensyon sa dalawa.

Hindi naman lingid sa kaalaman ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC) ang ginawang paglalaro ng dalawa. Dapat daw ay sisitahin nila ito subalit mas inuna nilang asikasuhin ang dahilan ng trapiko sa NLEX nang mga sandaling iyon---isang vehicular fire incident sa Candaba Viaduct.

Ayon sa kanila, kahit na nakakaaliw ay hindi pa rin ligtas ang ginawa ng dalawa.

"We immediately closed the lanes near the burning tank truck for the safety of motorists. When the traffic was at full stop these motorists alighted from their vehicles and did these unsafe acts.They would definitely be stopped had we seen them but our personnel were focused on responding to the emergency situation to ensure everyone's safety," anila.

Nagpaalala namana ng MPTC sa mga motorista na laging sumunod sa batas-trapiko para sa sariling kaligtasan.

Samantala, umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa netizens.

"Enjoy guys…"

"Some people just can't help making themselves the center of attention."

"Iba talaga ang Pinoy… nakakahanap ng simpleng kasiyahan sa gitna ng stress sa buhay."

"Mga KSP (Kulang Sa Pansin), dapat hulihin at tiketan ang mga ito.Volume ng vehicles 'yan at nagkasabay-sabay ng uwian."

"There is a proper place for badminton game, napakadelikado ng ginawa nila kasi nasa NLEX 'yan eh paano kung maaksidente sila, kalsada 'yan di 'yan gym, kung gusto mo magpasikat maling lugar ang choice n'yo. Mabigat man ang traffic kasi uwian so expected na 'yon pero hindi sinabi na maglaro ka while you are in traffic be responsible to your action matanda na kayo, you know the right and wrong."

"Pampalipas nga naman ng oras kaysa mainis ka sa loob ng sasakyan mo. Nadanas ko din ang ganyan. Almost one hour nag-antay."

"Nakalimutan ata nila yung babaeng sumayaw diyan tapos kinasuhan, sana ganon din sa inyo para patas."

Samantala, wala pang update mula sa mga awtoridad kung may nilabag ba ang dalawang naglaro ng badminton sa NLEX.