Nagpahayag ng pagkabahala si Borongan Bishop Crispin Varquez sa nagpapatuloy na pagmimina sa makasaysayang Homonhon Island sa Guian, Eastern Samar.

Sinabi ni Bishop Varquez na ang patuloy na pagmimina sa isla ay sisira hindi lamang sa likas na yaman sa lugar kundi makakaapekto rin sa kaligtasan at kabuhayan ng mga residente.

“Kami ay labis na nababagabag sa mga tumataas na operasyon ng pagmimina sa aming minamahal na makasaysayang isla ng Homonhon. Ang immediate at negatibong epekto sa mga komunidad at natural na kapaligiran ay lubhang nakakaalarma,” aniya sa Radio Veritas.

Nanawagan ang pinuno ng Simbahan para sa pangangalaga ng Homonhon Island kung saan, mahigit 500 taon na ang nakalilipas, dumaong ang Portuguese explorer na si Ferdinand Magellan noong Marso 16, 1521, na nagmarka ng simula ng Kristiyanismo sa bansa.

Probinsya

Labi ng dalagang inanod ng baha noong bagyong Kristine, natagpuan sa isang creek

"Ako ay umaapela sa mga awtoridad na maingat na pag-aralan ang mga proyekto ng pagmimina sa isla upang matiyak na ang mga ito ay hindi magkakaroon ng mapanirang epekto sa kapaligiran at sa mga lokal na residente," sabi ng obispo.

“Kami ay nananawagan sa aming mga pinuno ng gobyerno at mga kinauukulang ahensya na kumilos sa bagay na ito at isaalang-alang ang pangangalaga, kaligtasan at kapakanan ng mga apektadong lugar at mga residente nito,” diin ni Bishop Varquez.

Nauna nang ipinahayag ni Borongan Social Action Director Fr. James Abella sa Radio Veritas ang kanyang pagkabahala rin sa mga aktibidad ng pagmimina sa isla na aniya ay nakaapekto sa kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda sa lugar.

Christina Hermoso