Napilitan ang pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) na magpatupad ng limitadong operasyon sa kanilang linya nitong Miyerkules ng tanghali bunsod nang pagtalon umano ng isang babae sa riles sa Quezon City.

Sa inilabas na alerto ng MRT-3, nabatid na dakong alas-12:03 ng hapon nang simulan nila ang implementasyon ng provisionary service o limitadong biyahe, mula Shaw Station sa Mandaluyong City hanggang sa Taft Avenue Station sa Pasay City lamang.

Kasunod na rin anila ito nang pagtalon ng isang di kilalang babae sa southbound tracks ng Quezon Avenue Station dakong alas-11:57 ng umaga.

Ayon kay Jorjette Aquino, assistant secretary for Railways at Officer-In-Charge ng MRT-3, buhay naman ang babae na agad na sinagip ng mga personnel ng Lifeline Arrows ambulance service.

Metro

QC gov’t, sinuspinde F2F classes hanggang SHS, gov’t work sa Jan. 13 dahil sa rally ng INC

Kaagad din aniya itong isinugod sa East Avenue Medical Center upang malapatan ng kaukulang lunas.

Ang mga pasahero naman aniya ng naapektuhang southbound train sa Quezon Avenue Station ay nai-evacuate na. 

Kaagad ding nagsagawa ng imbestigasyon sa insidente ang station supervisor at pagsapit ng ala-1:20 ng hapon ay naibalik na sa normal ang operasyon ng northbound at southbound services ng MRT-3 mula sa Taft Avenue Station, Pasay City hanggang sa North Avenue Station, Quezon City.

Humingi rin agad ang pamunuan ng MRT-3 ng paumanhin sa riding public dahil sa abalang naidulot ng insidente.

"The MRT-3 management would like to apologize to the riding public for the service interruption and inconvenience caused by the incident," aniya pa.