"Fake news!" 

Mariing pinabulaanan ni Manila Police District (MPD) Director PBGen Andre Dizon ang mga ulat na kumakalat sa mga social media accounts na may gumagalang serial killer at basta na lamang namamaril ng tao sa Tondo, Maynila.

Ayon kay Dizon, walang katotohanan ang kumakalat na video at impormasyon patungkol sa umano'y serial killer.

Giit pa ni Dizon, ang naturang balita ay hindi dapat sakyan at hindi rin dapat na i-share dahil wala itong katotohanan at magdudulot lamang ng takot sa mga mamamayan.

Metro

QC gov’t, sinuspinde F2F classes hanggang SHS, gov’t work sa Jan. 13 dahil sa rally ng INC

Ipinaliwanag din ni Dizon na may naganap lamang na shooting incident sa lungsod na may kinalaman sa onsehan sa droga.

"Ito po ay patungkol sa kumakalat na video o kaya mga viral sa ating social media na impormasyon patungkol po dun sa serial killer sa Balut, Tondo. Ito po ay isang fake news na hindi dapat sakyan, hindi dapat i-share. Ang totoo po nito may dalawang shooting incident po doon sa lugar," ayon pa kay Dizon.

"Yung shooter ginagantihan niya po yung mga dati niyang kasamahan," paliwanag pa ni Dizon.

Kasabay nito, nagbabala rin naman si Dizon sa mga mamamayan na umiwas sa droga dahil ang kakambal nito ay kamatayan. 

Nabatid na nakatakda rin namang iharap nina Dizon at Manila Mayor Honey Lacuna sa publiko, ang suspek sa naturang fake serial killer news, sa isang pulong balitaan sa Manila City Hall mamayang alas-5:00 ng hapon.