Binawian na ng buhay ang isang lola na tumalon sa riles habang paparating ang isang tren ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) sa Quezon Avenue Station nito sa Quezon City nitong Miyerkules ng umaga.

Sa isang panayam sa radyo, kinumpirma ni MRT-3 officer-in-charge (OIC) at assistant secretary for Railways Jorjette Aquino, na binawian ng buhay ang 73-anyos na biktima habang nilalapatan ng lunas sa East Avenue Medical Center.

Sinabi ni Aquino na dakong alas-11:57 ng umaga nang sumakay sa southbound lane ng Quezon Avenue Station ang biktima.

Nagtungo sa platform ang biktima at tila ordinaryong pasahero na naghintay ng tren. Gayunman, habang paparating ang tren ay nagulat na lamang ang lahat nang bigla itong tumakbo at tumalon sa riles.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Dahil sa harapan mismo ng tren tumalon ang biktima ay hindi na nagawa ng operator na ihinto agad ang tren kaya't napailalim ang biktima sa tren.

Inabot pa ng ilang minuto bago nasagip ng mga personnel ng Lifeline Arrows ambulance service ang biktima.

Kaagad siyang isinugod sa ospital ngunit binawian rin ng buhay dakong alas-2:00 ng hapon.

Dahil sa naturang pangyayari, napilitan ang MRT-3 na magpatupad ng provisionary service o limitadong biyahe ng mga tren mula Shaw Station sa Mandaluyong City hanggang sa Taft Avenue Station sa Pasay City lamang dakong alas-12:03 ng tanghali.

Basahin: MRT-3, nagpatupad ng limitadong biyahe; babaeng tumalon, isinugod agad sa ospital – Balita – Tagalog Newspaper Tabloid

Ang mga pasahero naman ng naapektuhang southbound train sa Quezon Avenue Station ay agad ring ini-evacuate.  Pagsapit naman ng ala-1:20 ng hapon ay naibalik na sa normal ang operasyon ng northbound at southbound services ng MRT-3 mula sa Taft Avenue Station hanggang sa North Avenue Station, Quezon City.

Humingi rin agad ang pamunuan ng MRT-3 ng paumanhin sa riding public dahil sa abalang naidulot ng insidente.

"The MRT-3 management would like to apologize to the riding public for the service interruption and inconvenience caused by the incident," anila.