Sinuspinde ng Department of Education (DepEd) ang klase sa lalawigan ng Rizal, maliban sa Antipolo City, bunsod nang pananalasa ng bagyong Amang.
Sa abiso ng DepEd-Rizal, nabatid na sakop ng suspensiyon ang klase mula Kindergarten hanggang Grade 12 at Alternative Learning System (ALS), sa pribado at pampublikong paaralan sa buong DepEd Rizal Province.
Batay na rin anila ito sa local discretion ng bawat pamahalaang bayan ng lalawigan.
Paglilinaw naman nito, ang kanselasyon ng klase na mula sa DepEd Tayo Rizal Province ay para lamang sa mga bayang nasasakupan nila, at hindi kasama rito ang Antipolo City.
"Ang Antipolo po ay sakop pa rin ng Lalawigan ng Rizal subalit ito po ay may hiwalay na Division Office," anang ahensiya.
"Dahil wala pong kahit ano mang Storm o Typhoon Signal ang Antipolo nananatili pong may pasok sa ating Lungsod maliban na lamang po kung magkakaroon ng announcement mula sa ating Pamahalaang Panglunsod. Kung ang announcement po ay magmumula sa ating Punong Lalawigan doon lamang po maisasama ang Antipolo. Sana po ay naliwanagan ang lahat," anito pa.
Nauna rito, sa pinakabagong Tropical Cyclone Bulletin No. ( 6 ) ng DOST-PAGASA nitong alas-5:00 ng umaga, kasama sa isinailalim ang eastern portion of Rizal sa Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) #1.
Pinayuhan naman ng DepEd Rizal ang lahat na manatiling ligtas sa kanilang mga tahanan at gamitin sa produktibong bagay ang kanilang oras.
Kung hindi naman anila maiwasang lumabas ng tahanan ay mas makabubuting magdala ng mga proteksyon laban sa ulan upang matiyak ang kanilang kaligtasan.