Gumawa ng kasaysayan ang TV host-actress-impersonator na si Jervi Li o mas kilala bilang "KaladKaren" matapos nitong maiuwi ang “Best Actress in a Supporting Role” award para sa kaniyang pagganap sa pelikulang “Here Comes the Groom.”
Si KaladKaren ang kauna-unahang transgender woman na naging nominado at naipanalo ang nasabing parangal, kung saan tinalo niya ang co-actors niya mula sa parehong pelikula na si Maris Racal, at si Ana Abad Santos na gumanap naman sa pelikulang “Love You Long Time.”
Sa kaniyang acceptance speech, ibinahagi ni KaladKaren ang panalo niya sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community.
“Itong parangal na ito ay hindi lamang po recognition ng aking trabaho, kung ‘di pati na rin po ng aking pagkatao. When I entered show business, I never thought na makakakuha po ako ng award, kasi as a transgender woman, I thought I will never be enough. Kaya napakahalaga po nitong award na ito para sa'kin, and I wanna share this to all transgender people, drag artists, members of the LGBTQIA+ community whose lives and existence are being threatened in the world right now. Para sa inyo po ito. I wanna remind all of you that we are more than enough,” aniya.
Naging emosyonal naman si KaladKaren nang magbigay ito ng mensahe para sa mga batang nangangarap at mga batang beki.
"Thank you also sa lahat ng mga batang nangangarap, mga LGBTQIA+ na kids. Mga batang beki, 'wag kayong matakot maging kayo, 'wag kayong matakot mangarap because one day, hindi n'yo alam, kayo rin ang nandirito. Sana 'wag po nating kalimutan 'yung mensahe ng aming pelikula: hindi po ang inyong hitsura at kasarian ang mahalaga kundi ang inyong puso at kaluluwa," lahad ni KaladKaren sa huling bahagi ng kaniyang talumpati.
Bukod sa panalo ni KaladKaren, naiuwi rin ng “Here Comes the Groom” ang mga sumusunod na parangal: Best Actor in a Supporting Role - Keempee de Leon, 3rd Best Picture, at Special Jury Prize
Ginanap ang kauna-unahang Gabi ng Parangal ng Summer Metro Manila Film Festival sa New Frontier Theater sa Cubao, Quezon City, Martes ng gabi, Abril 11.