INFANTA, Quezon -- Isang 48-anyos na construction worker ang napatay nang umano'y pagtulungang bigtihin gamit ang kable ng kaniyang dalawang kainuman kasunod umano ng mainitang pagtatalo sa Sitio New Little Baguio, Brgy. Magsaysay ng bayang ito.

Sa ulat ng Infanta police, kinilala ang biktima na si Alex Resgonio at mga suspek na sina Dudz Delloso, Caren Mustasa, Jomer Astoveza, at Noel Gulod.

Ayon sa imbestigasyon, nangyari ang insidente noong Lunes, Abril 10 bandang 8:30 ng gabi. Ayon naman sa testigong si Alvin Quitoriano, siya, kasama ang biktima, at mga suspek ay nag-inuman sa bahay ni Delloso nang magkaroon umano ng pagtatalo sa pagitan ng biktima at ng huli.

Salaysay ni Quitoriano, lumabas siya para umihi at may narinig siyang nababasag na baso mula sa bahay. Pagbalik aniya nakita niyang may hawak na kutsilyo si Mustasa habang sinasakal umano ni Delloso ang biktima.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Aniya, inagaw niya ang kutsilyo kay Mustasa at itinapon sa labas ng bahay. Pagkatapos ay tumakbo siya palabas ng bahay upang humingi ng tulong.

Pagbalik niya kasama na niya ang mga operatiba ng Army at Regional Mobile Force Battalion-4A (RMFB4A) at nakita nilang wala nang buhay ang biktima na nakahandusay sa sahig habang ang mga suspek ay tumakas na umano.

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang isang electric wire, microphone table, at charger cable na pinaniniwalaang ginamit sa pagpatay.

Nagsagawa na ng imbestigasyon at manhunt operation ang pulisya para sa posibleng pag-aresto sa mga suspek at kanilang motibo.