Pinahintulutan na ng Commission on Elections (Comelec) na maisagawa sa mga malls at malalaking public spaces ang paghahain ng certificates of candidacy (COC) para sa 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Sa Kapihan sa Manila Bay Forum nitong Miyerkules, sinabi ni Comelec spokesperson Rex Laudiangco na ito ay para sa mga lugar na hindi kayang mag-accommodate ng malaking bilang ng mga tao.
Aniya, pinayagan nila ito sa isang mall sa lungsod ng Maynila.
Tinukoy ni Laudiangco ang problema sa Comelec field office sa Arroceros, Manila kung saan ang mga tao ay nakalinya na sa mga kalsada upang makapaghain ng kanilang COCs.
“Ngayon pa lamang po bumaba na ang utos sa lahat ng election officers namin. Kung hindi kaya at masikip ang inyong tanggapan humanap ng lugar na appropriate-- public gymnasiums, kung may maka-partner na mall, better, basta po kayang i-accommodate ‘yung volume po ng tao at ng COC come the six-day filing period,” aniya pa.
“Kung kayang gawin ng Manila, ba’t di kaya gawin sa ibang lugar na pareho ang sitwasyon? Hindi naman po natin gagawin ito sa lahat, ‘no, pero dun lamang po sa mga may pangangailangan,” dagdag pa niya.
Ang paghahain ng kandidatura para sa 2023 BSKE ay nakatakda sa Agosto 28 hanggang Setyembre 2.
Ang mismong araw naman ng halalan ay nakatakdang idaos sa Oktubre 30.