Patay na nang matagpuan ang isang batang lalaki, na unang iniulat na nawawala, matapos na mahulog sa ilog sa Sta. Ana, Maynila noong Lunes ng hapon, Abril 10.

Kinilala ang biktima na si Cyean Third Bedonio, 10, residente ng lungsod.

Batay sa ulat ng Sta. Ana Police Station 6 (PS-6) ng Manila Police District (MPD), nabatid na dakong alas-2:17 ng hapon nitong Martes nang matagpuan ang bangkay ng bata na palutang-lutang sa Pasig River, na sakop ng Champaca St. sa Punta, Sta. Ana.

Nabatid na huling nakitang buhay ang biktima dakong alas-4:30 ng hapon ng Lunes kasama ang kanyang mga kaibigan, sa pampang ng Pasig River, sa tabi ng Marcelo compound.

Metro

Marikina LGU: Ulat na dinukot ang 4 na menor de edad sa lungsod, fake news!

Gayunman, habang naglalaro ay bigla na lang umanong nahulog ang paslit sa ilog.

Kaagad namang iniulat ng mga residente sa mga tauhan ng Philippine Cost Guard (PCG) ang insidente, na mabilis na nagsagawa ng search and rescue operation ngunit hindi nila kaagad natagpuan ang paslit.

Dakong alas-2:10 ng hapon ng Martes nang makatanggap ng ulat ang mga otoridad na may bangkay ng bata na nakitang palutang-lutang sa ilog at nang puntahan ito ay nakumpirmang ito na nga ang nawawalang biktima.