Inanunsyo ng Department of Transportation (DOTr) nitong Martes na aprubado na ang hiling na taas-pasahe para sa Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) at Line 2 (LRT-2).
Gayunman, ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang pagpapaliban muna sa implementasyon nito.
Sa isang pulong balitaan nitong Martes, sinabi ni DOTr Secretary Jaime Bautista na nagpalabas ng direktiba si Pang. Marcos para sa deferment o pagpapaliban muna ng fare increase para sa LRT-1 at LRT-2, habang nakabinbin pa ang pag-aaral sa economic impact nito sa mga commuters.
Sinabi naman ni DOTr Undersecretary for Railways Cesar Chavez na inaprubahan ng Rail Regulatory Unit (RRU) ng ahensiya ang fare hike petitions ng dalawang railway lines para i-adjust ang train boarding fee ng P2.29 at may karagdagang 21 sentimo kada kilometro na nabiyahe ng mga tren.
Dahil sa inaprubahang adjustment, ang minimum boarding fee para sa dalawang linya ay tumaas sa P13.29 mula sa dating P11 lamang at P1.21 naman mula sa dating P1, para sa kada kilometrong nabiyahe nito.
Ani Bautista, iniendorso na ng RRU ng DOTr ang report na pumapabor sa fare increase ng LRT-1 at LRT-2.
Gayunman, tiniyak niyang tatalima ang ahensiya sa kautusan ng pangulo at masusing pag-aaralan ang economic impact nito para sa mga commuters.
Dagdag pa niya, ang fare hike petition naman para sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ay ipinagpaliban rin dahil sa 'infirmities' sa pagtalima sa requirements at procedure.
Matatandaang ang MRT-3 ay nagsumite na rin ng petisyon sa RRU para sa fare rate increase na mula P4 hanggang P6 dahil sa kawalan nito ng kita.
Nabatid na ang kalihim ng DOTr ang siyang pinuno ng RRU, na siyang may kapangyarihang magbasura o mag-apruba sa hiling na fare adjustments.