Magpapatupad ang Manila Electric Company (Meralco) ng ₱0.118 kada kilowatt hour (kWh) na tapyas sa singil ng kuryente para sa April billing.

Sa anunsiyo ng Meralco nitong Martes, nabatid na dahil sa bawas-singil, ang overall electricity rate ngayong buwan ay magiging ₱11.3168 kada kWh na lamang, mula sa dating ₱11.4348 kada kWh noong Marso.

Katumbas ito ng ₱24 bawas-singil para sa mga tahanang kumukonsumo ng 200 kwh kada buwan; ₱35 naman sa mga kumukonsumo ng 300 kwh; ₱47 sa mga kumukonsumo ng 400 kwh at ₱59 sa mga tahanang nakagagamit ng 500 kwh kada buwan.

Anang Meralco, ang pagbaba ng singil sa kuryente ngayong buwan ay bunsod ng mas mababang generation at transmission charges.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nabatid na ang generation charge, o ang halaga ng biniling kuryente mula sa suppliers na higit 50% ng total bill, ay bumaba sa ₱7.3295 per kWh mula sa dating ₱7.3790 per kWh.

Bagamat kinolekta pa rin naman ng Meralco ang unang installment ng deferred generation costs na katumbas ng 20 sentimo kada kwh ngayong billing period, sinabi ng electric company na ito ay na offset pa rin ng mas mababang halaga ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM) at ng mga existing power supply agreements (PSAs).

Anang Meralco, ang spot market charges ay bumaba rin ng ₱1.0462 per kWh dahil na rin sa mas magandang suplay mula sa Luzon grid. 

Kinuha umano ng Meralco ang 32% ng kanilang total power requirement mula sa WESM noong nakaraang buwan.

Samantala, ang PSAs naman na siyang pinagkukunan ng 41% ng kanilang requirement, ay bumaba rin ng ₱0.0741 per kWh dahil sa peso appreciation at mas mataas na average plant dispatch.

Ang iba pa namang charges, kabilang ang taxes at subsidies, ay nagkaroon din ng net reduction na ₱0.0685 kada kWh. 

Matatandaang noong Marso, ipinabatid ng Meralco na magpapatupad sila ng staggered collection sa may ₱1.1 bilyong generation costs noong Marso upang mabawasan ang impact ng rate increase sa kanilang mga kostumer.