Babalikan ang naging tell-all na libro ng Viva artist noong 2018 na naging daan niya para maging malaya sa sariling sekswalidad at pagkatao.
Sa naturang libro kasi inamin ni Mark Bautista na isa siyang bisexual, ngayong makalipas ang halos limang taon, ay bagay na hindi aniya niya pinagsisihang ilantad.
“Ang hirap mag-apologize sa isang bagay na totoo, like my truth. Wala akong regret,” sey ni Mark nang matanong ni Boy Abunda sa programa nito, Martes, Abril 11.
Aminado namang may naging kabayaran para sa karera ng singer ang natamasang kalayaan.
“Na-realize ko Tito Boy, in terms sa music, I feel like nagkakaroon ako ng mga shows naman. It’s the same parang walang nagbago,” pagbabahagi niya.
“But I think dahil uma-acting ako, nagkaroon na ng limitation ‘yung binibigay na offers, or mas nai-stereotype na ‘yung role na pwedeng ibigay sa akin,” pag-amin ni Mark na sa tingin niya’y “unfair” sa kaniya bilang aktor.
“Gusto ko pa rin gawin na parang normal na mga role or like straight na role so after nung nag-book ako, marami rin nag-offer sa akin ng movies na gagawin but puro BL (boy’s love),” saloobin ni Mark sa dating mga offer na kalauna’y tinanggihan din ng kaniyang management.
Naniniwala naman si Mark na hindi tumamlay ang kaniyang career matapos ang naging rebelasyon, maliban sa ilan aniyang “changes” at takot.
“Ngayon ‘pag nagko-concert ako lagi nang may fear ako na may manunuod ba or something,” sey ng singer.
“For a time noon nag-release ako, tinurn-off ko ‘yung comment section kasi medyo harsh ‘yung iba,” sunod na pagbabahagi ni Mark sa mga natanggap noon na batikos din matapos magladlad.
Sa kabilang banda, ikinagulat naman ni Mark ang natanggap na suporta mula sa mga taong hindi aniya niya inasahang magiging kasangga niya noon.
“May mga konting friends na naging distant,” gayunpaman na naranasan din ni Mark matapos ang pagladlad.
“Meron naman sa showbiz na naging distant kasi feeling nila I was just doing it for publicity,” anang singer na naging batayan din niya ng pagkilala sa mga ito.
Sa kabila ng lahat ng pinagdaanan, naniniwala naman si Mark na naipaliwanang niya nang malinaw sa publiko ang kaniyang pagkatao.