Inanunsyo ni Manila Mayor Honey Lacuna na ang bakunahan kontra Covid-19 ng pamahalaang lungsod ay hanggang ngayong Abril 2023 na lamang.

Ayon sa alkalde, inuubos na lamang ng lokal na pamahalaan ang natitirang bakuna na nasa kanilang pangangalaga.

Aniya, wala na rin namang mga residente ang nagpapaturok nito. 

Kaugnay nito, patuloy na hinihikayat ng alkalde ang mga residenteng hindi pa natuturukan ng primary vaccines o booster shots na magpunta na sa health centers sa kanilang lugar at magparehistro para mabakunahan.

Metro

Marikina LGU: Ulat na dinukot ang 4 na menor de edad sa lungsod, fake news!

 

“Humabol po kayo sa ating mga health center habang available pa ang mga pambakuna sa Covid dahil balita ko, mauubos na," pahayag pa ng alkalde nitong Lunes.

Base na rin sa ulat ni Manila Health Department (MHD) Director Dr. Poks Pangan, ang mga bakuna ay tatagal na lamang hanggang ngayong buwan ng Abril. 

“Sabi ng MHD, hanggang Abril na lang ang bakuna for Covid kaya habang may panahon pa, magtungo na kayo,” panawagan pa ng alkalde. 

Hinimok rin naman ng alkalde ang mga gustong magpabakuna na magsama pa ng ibang interesadong maturukan ng anti-COVID-19 vaccine. 

Anang alkalde, ang isang vial ay naglalaman ng anim na doses, kaya kailangan ng anim na pasyente para mabuksan ang isang vial. 

Sa kaso aniya ng mga bata na edad lima hanggang 11, sinabi ni Lacuna na 10 naman ang kailangang mabakunahan. 

Dahil dito, umaapela ang alkalde sa mga magulang o guardian ng mga nasa age bracket na ipalista na ang mga anak sa health centers upang kapag ang required na bilang ay kumpleto na ay kaagad namang idi-deploy ang mga bakuna sa center. 

“Pagpapaunawa lang po na ang isang boteng maliit o vial ay naglalaman ng anim na doses so dapat, 6 patients din ang mabakunahan.  So, kung tutungo kayo sa health center at di mabakunahan, ibig sabihin 'di kayo anim na katao,” sabi ng alkalde. 

“Hindi kasi pwede na magbukas ng isang vial na di kumpleto kasi masasayang ang bakuna.  Hindi  na ito pupwedeng ibalik o ilagay sa ref dahil 6 hours lang ang buhay ng bakuna. Pag binuksan ang isang vial, dapat anim ang mabakunahan otherwise, wastage na, sayang naman ang bakuna,” paliwanag pa niya.

Binanggit din ni Lacuna, na isa ring doktor, 43% lamang sa kabuuang bilang ng mga minors ang naka-kumpleto ng kanilang bakuna. 

Sa kaso naman ng mga adults, habang ang mga nakakuha na  primary shots ay 44.3%, ang bilang naman ng mga tumanggap ng booster shots ay nasa 62.5% para sa first booster at 8.20% para sa second booster.

Nagpahayag din naman ng kalungkutan si Lacuna dahil maging sa kaso ng mga senior citizens, ang bilang ng mga nakakumpleto na ng primary at booster shots ay mababa sa bilang ng mga seniors na naninirahan sa lungsod na mahigit sa 159,000.