Nagbigay ng reaksiyon at saloobin ang content creator at socialite na si "Bryanboy" sa isyu ng presyo ng "motivational rice" ng social media personality na si Rendon Labador.
Marami kasi sa netizens ang napa-react sa presyo ng kanin sa bagong tayong restaurant ni Labador.
Paliwanag naman ni Labador, ganito ang presyo ng kanin dahil gusto niyang i-motivate ang mga tao na ito ay simbolo ng mga taong hindi sumusuko sa buhay.
Pinatulan naman ito ni Bryanboy sa kaniyang 52-second video.
"Medyo matagal na akong di nakikisawsaw sa problema ng mahihirap, pero halika, patulan na natin 'to," panimula ni Bryanboy.
Ipinakita niya ang video clip ng pagpapaliwanag ni Labador sa kaniyang motivational rice. Makikitang natatawa-tawa si Bryanboy sa pahayag ni Labador na "Hindi naman po kanin ang itinitinda ko rito eh, I'm selling you your future!"
"Katarantaduhan!" bulalas ni Bryanboy.
Sa puntong ito ay ibinida ni Bryanboy ang kanilang binibiling bigas mula sa isang mamahaling brand, na ikinaloka naman ng netizens, dahil hindi nila akalaing may tinda pala itong bigas.
"Para sa akin po, hindi po nakaka-motivate ang 100-peso motivational rice," sey ni Bryanboy.
"Kung 'yan lang po ang future ko 'Oh my God' nakakatakot, ayoko niyan. Yung standards ko po, medyo mataas. And I'm talking about my present!"
"Yung rice namin galing siya ng Gucci. Bale yung 1 kilo ng rice, this is 20,000 euros, kayo na po mag-convert kung magkano sa pesos."
"'Yan po yung rice na ginagamit namin to make chicken arroz caldo… So no, hindi po ako namo-motivate ng 100 pesos, dito po tayo sa 20,000-euro Gucci rice."
Bago si Bryanboy, binasag na rin ng isa pang content creator na si "Jack Logan" ang motivational rice ni Labador.
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag si Labador hinggil sa sinabi ni Bryanboy.