Ngayong araw, Abril 11, ang ika-156 anibersaryo ng kapanganakan ni Leonor Rivera, ang isa sa mga naging kasintahan ni Gat. Jose Rizal at ang naging inspirasyon umano ng bayani sa paglikha ng karakter na si Maria Clara sa nobela nitong Noli Me Tangere.
Sa tala ng mga historyador, ipinanganak si Rivera noong Abril 11, 1867 sa Camiling, Tarlac, sa mga magulang nitong sina Antonio Rivera at Silvestre Bauzon.
Ayon sa historyador na si Austin Coates, mailalarawan si Rivera bilang isang maganda, may malambot at paalon-along buhok, may maliit na bibig, at may nakabibighaning dimples. Siya rin daw ay isang babaeng maraming talento: may nakahuhumaling na tinig at nakapagpapatugtog ng mga instrumentong piano at alpa.
Nasa 13 taong gulang umano ang dalaga nang makilala niya ang pinakamamahal niyang si Rizal na 18-anyos naman nang panahong iyon. Magpinsan ang ama ng dalawa, kaya’t makikitang 2nd or 3rd cousins ang mga ito.
Sa ulat ng historyador na si Xiao Chua sa PTVNews, taong 1882 nang magtungo si Rizal sa Europa upang maglingkod sa bayan. Doon ay nagkahiwalay ang magkasintahan at hindi man lamang umano nakapagpaalam si Rivera sa nobyo nito. Naging masasakitin siya sa pagdaramdam nang mawalay sa pinakamamahal na Rizal.
Nagtuloy-tuloy naman umano ang sulatan ng dalawa, ngunit dahil sa pagharang ng ina ni Rivera, na tutol daw kay Rizal dahil sa pagiging pelibustero nito, walang natanggap na sulat ang dalaga, dahilan kung bakit naisip niyang nakalimutan na siya ni Rizal.
Dahil dito, pumayag na si Rivera na magpakasal sa isang inhinyero na si Henry Charles Kipping. Subalit dahil sa labis na pagmamahal kay Rizal, sinabi niyang ang pagpapakasal na iyo’y ikamamatay niya.
Hanggang sa may nakalusot na isang sulat mula kay Rizal at natanggap ni Rivera, doon ay napilitan na ang ina nitong ibigay na rin ang ibang mga itinagong sulat. Nagpakasal pa rin si Rivera sa kondisyong hindi na siya muling tutugtog ng piano at aawit habang-buhay, at tatabihan siya ng ina sa buong seremonya ng kasal niya kay Kipping.
Ayon pa sa mga kuwento, ang nasabing mga naipong sulat mula sa great love niyang si Rizal ay sinunog ni Rivera at ang abo ng mga ito’y unti-unting nahuhulog sa laylayan ng kaniyang trahe de boda habang naglalakad siya sa simbahan nang araw ng kaniyang kasal sa Dagupan, Pangasinan, noong Hunyo 17, 1890.
Makalipas ang tatlong taon, Agosto 28, 1893, nasawi si Rivera sa panganganak sa edad na 26. Doo’y isinama umano sa kaniyang libing ang maliit na kahon na naglalaman ng ilang abo ng mga papel mula sa sulatan nila ni Rizal.
Nang malaman naman ni Rizal ang nangyaring ito sa kaniyang sinisintang si Rivera, labis itong nagtangis at nagkulong pa sa Dapitan buong gabi.
Anuman ang naging masidhing wakas ng kanilang pag-iibigan, tila sinariwa umano ni Rizal ang katauhan ni Rivera sa pamamagitan ng paglikha nito ng karakter ni Maria Clara.
Ilang dekada man ang nakalipas, hanggang ngayon ay buhay na buhay pa rin at nagbibigay leksyon ang karakter ni Maria Clara sa bawat isa, tulad ng naging kuwento ng buhay ni Leonor Rivera.